CITY PROPERTIES ALAGAAN – LACUNA

NANAWAGAN si Manila Mayor Honey Lacuna sa lahat ng opisyal at kawani ng local government na alagaan ang pag-aari ng lungsod maliit man ito o malaki.

Sa kanyang mensahe sa regular flag raising ceremony nitong Lunes, sinabi ni Lacuna na ang lahat ng city properties ay binili gamit ang taxpayer’s money kung kaya dapat itong alagaan na parang sarili nilang pag-aari.

“Ito ay responsibilidad ng bawat isang tanggapan dito sa ating pamahalaan. Samakatuwid, sana, ayusin po natin at siguraduhin na lahat ng pag-aari ng ating lungsod ay nagagamit nang wasto at napag-iingatan, dahil ito po ay gagamitin pa ng mga susunod na mamamahala sa ating lungsod,” saad ng alkalde.

Sa puntong ito ay pinasalamatan ni Lacuna ang city general services office (CGSO) sa ginagawa nitong pagtiyak na ang lahat ng city properties ay laging nasa mahusay na kondisyon.

Sa parehong okasyon, sinabi ni Lacuna na maraming tanggapan ng pamahalaan sa National Capital Region (NCR) ay bumalik na sa 8 a.m. to 5 p.m. schedule.

Kaya naman doon din mismo ay tinanong niya ang mga opisyal at kawani kung gusto nilang bumalik o manatili sa 7 a.m. schedule na nakagawian na nila.

Nasorpresa si Lacuna dahil karamihan na nasa flag raising ay gusto ang 7am to 4pm schedule nang magtaasan ng mga kamay ang mga kawani na pumapanig sa mas maagang schedule.

(JESSE KABEL RUIZ)

34

Related posts

Leave a Comment