KANSELADO ang civil service exam sa darating na linggo, ayon sa Civil Service Commission (CSC).
Ito ay alinsunod sa Proclamation 922 na nilagdaan ng pangulo na nagdedeklara ng Public Health Emergency sa buong bansa dahil sa banta ng COVIV-19.
Sa Marso 15, nakatakdang isagawa ang Career Service Examination-Pen and Paper Test (CSE-PPT) sa 66 testing location sa buong bansa. 293,845 ang bilang ng mga examinee. Nasa 253,419 ang kukuha ng Professional level exam habang nasa 40, 426 ang para sa Subprofessional level.
Nauna nang ibinalita na tuloy ang eksaminasyon sa gitna ng banta ng COVID-19, ngunit kahapon ay idineklarang kakanselahin ito upang maiwasan pa ang pagdami ng bilang ng mga nahahawa sa sakit.
Para sa karagdagang impormasyon, maaaring tumawag sa mga CSC Regional office na makikita ang mga numero sa kanilang website. Para naman sa CSC’s Public Assistance Center, maaaring tumawag sa (02) 8951-2575 o 8951-2576. DAHLIA ANIN
