NAKIISA si Claretian Ariel Inton (Batch 1980) sa kampanyang “SIPAIN ANG CORRUPTION!” ng Claret Football bilang patunay ng kanyang paninindigan sa katapatan at pananagutan sa serbisyo publiko.
Noong Oktubre 22, nagsama-sama ang mga manlalaro ng Claret Football sa isang friendly match upang itaas ang kamalayan laban sa laganap na katiwalian. Si Inton mismo ang nagpasimula ng programa sa pamamagitan ng isang simbolikong penalty kick, na nagsilbing hudyat ng mainit na panawagan para sa pagkilos.
Kasabay ng paninindigan ni School Director Fr. Vic Sadaya, binigyang-diin ni Inton na matindi nang winasak ng korapsyon ang Pilipinas—pinapatay nito ang tiwala ng mamamayan at nilalason ang sistema.
Ayon kay Fr. Sadaya, “Kapag pumasok ang katiwalian sa larangan, winawasak nito ang pagkakaisa at sinisira ang diwa ng bansa. Parang paglalaro ng offside — laban sa katarungan, katotohanan, at sa Diyos.”
Sumang-ayon si Inton sa pahayag ni Fr. Sadaya na malawak at mapanirang epekto ng katiwalian — kabilang na ang pagkawala ng tiwala sa gobyerno, paglala ng agwat sa pagitan ng mayaman at mahirap, at pagnanakaw sa mga oportunidad ng karaniwang mamamayan.
Nanawagan si Fr. Sadaya sa bawat Pilipino na maging aktibong kalahok sa pagbabago, at binigyang-diin na “Hindi tayo mga tagapanood lamang; tayo ang mga manlalaro na dapat manindigan para sa transparency, accountability, at para sa bansang hindi pumapayag sa maruming laro.”
53
