INALIS bilang chairman ng makapangyarihang Committee on Appropriations si Ako Bicol Rep. Elizaldy Co kahapon.
Mismong si presidential son at House senior majority leader Sandro Marcos ang nagmosyon para ideklara bilang ‘vacant’ ang nasabing komite at dahil walang tumutol ay inaprubahan ito sa plenaryo ng Kamara.
Mula noong June 2022 ay pinamunuan ni Co ang nasabing komite na nag-apruba sa unang tatlong national budget ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., o 2023, 2024 at 2025 general appropriations act (GAA).
Si Co ang lider ng House contingent sa Bicameral Conference committee sa pambansang pondo kung saan nagkaroon ng budget para sa Ayuda para sa Kapos ang Kita program (AKAP) kahit wala ito sa orihinal na proposed budget noong 2024.
Naging kontrobersyal din ang 2025 budget dahil hindi binigyan ng subsidy ang Philippine Health Insurance Corp (PhilHealth), binawasan ang pondo ng Department of Education (DepEd) subalit dinagdagan ng mahigit P200 billion ang infrastructure projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Habang isinusulat ito ay hindi pa pinapangalanan kung sino ang kapalit ni Co.
Naging kontrobersyal si Co dahil ang kanyang kumpanyang Sunwest Corporation ay sangkot umano sa Pharmally scandal at laptop deal sa Department of Education (DepEd). (BERNARD TAGUINOD)
