GALIT na pinagsabihan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang Commission on Audit (COA) na tigilan na ang pagtuturo o “flagging” sa mga ahensya ng pamahalaan matapos madiskubre ng komisyon ang “deficiencies” sa paghawak ng Department of Health (DOH) sa P67.32 bilyong pondo para sa COVID-19 response.
Sa kanyang Talk to the People, sinabi ng pangulo na hindi lamang ang DOH ang na-flagged kundi maging ang Department of Interior and Local Government at si vaccine czar Secretary Carlito Galvez.
“Stop that flagging goddamnit. You make a report, do not flag. Do not publish it because it would condemn the agency or person that you are flagging,” giit ng pangulo.
Aniya pa, kapag ang COA ay nag-flag down ng isang ahensya ay mayroon na kaagad mantsa ng korapsyon.
Sa kabilang dako, itinuring naman ng pangulo na “incomplete paperwork” ang di umano’y “deficiencies” ng DoH sa multi-billion-peso allocation para sa COVID-19 response noong nakaraang taon.
“May mga project tayo, malaking project, so ngayon mayroon talagang mga papel-papel na hindi masyadong kumpleto sa paperwork ,” ayon sa pangulo.
“Kapag ang COA nagsabi sa deficiency, ‘di mo masabi na ninakaw mong pera. Deficiency is really in producing the necessary documents,” dagdag na pahayag nito.
Binatikos din ng punong ehekutibo ang kakulangan ng sapat na data sa audit document lalo na kapag may kinalaman sa government work na hanggang sa ngayon ay nagpapatuloy. (CHRISTIAN DALE)
152 