(NI HARVEY PEREZ)
HINDI pa muna magpo-proklama ngayon araw(Linggo) ng mga nanalong kandidato sa pagka-senador ang Commission on Elections (Comelec).
Ito ang nilinaw ni Dir. Frances Arabe, ng Comelec-Education and Information Division (EID), sa isang press briefing dakong 6 ng gabi nitong Sabado sa kanilang canvassing center sa Philippine International Convention Center (PICC).
Matatandaan na napaulat na ilang kandidato ang matatag na sa pwesto ang maaaring iproklama ganap na alas-4:00 ng hapon.
Sinabi ni Arabe na hindi pa sila handa para magproklama ng mga kandidato dahil kailangan muna nilang matapos ang isinasagawang canvassing.
Sinabi ni Arabe na nakatuon ang kanilang desisyon ngayon kung magsasagawa ng special elections sa Jones, Isabela, kung saan nagkaroon ng agawan at panununog ng mga balota, na hindi nabilang.
Nalaman na posible bago matapos ang araw ng Sabado ay desisyunan ito ng Comelec en banc.
Sa natanggap na petisyon ng Comelec, hinihiling na sa Lunes, Mayo 20,isagawa ang special elections.
Sa sandaling paboran ang kahilingan ay kakailanganin munang hintayin ng Comelec en banc ang resulta ng special elections, bago mag-proklama ng winning senators at party-list groups dahil nais umano nilang maisagawa sa isang araw lamang ang proklamasyon sa mga ito.
Kung maitakda na ang proklamasyon para sa winning national candidates ay uunahing i-proklama ang mga party-list groups sa umaga, habang sa hapon naman ipuproklama ang mga senador.
Sa kasalukuyan, nabigyan na ng notipikasyon ang mga senador na matatag na ang pwesto sa Magic 12.
Nilinaw ni Arabe na notipikasyon pa lamang ang naipadala sa mga ito at wala pa ring pormal na imbitasyon dahil wala pa namang petsa kung kailan talaga matutuloy ang proklamasyon.
Habang isinusulat ang balitang ito ay nasa 149 na sa kabuuang 167 Certificates of Canvass (COC) ang natapos na i-canvass ng Comelec, na tumatayong mga miyembro ng National Board of Canvassers (NBOC).
Batay sa pinakahuling partial at official tally ng NBOC, matatag na sa Top 3 sina Cynthia Villar, Grace Poe, at Bong Go.
Pasok din sa Magic 12 sina Pia Cayetano, Ronald Dela Rosa, Sonny Angara, Lito Lapid, Imee Marcos, Francis Tolentino, Koko Pimentel, Nancy Binay at Bong Revilla.
Habang nananatili pa ring nangunguna ang Anti-Crime and Terrorism – Community Involvement and Support (ACT-CIS) na iniendorso ng media personality na si Erwin Tulfo, na lamang ng mahigit isang milyong boto sa kasunod nitong Bayan Muna.
Pasok din sa Top 10 ang mga grupong Ako Bicol, Cibac, Ang Probinsyano, 1Pacman, Probinsyano Ako, Marino (570,101), Senior Citizens at Magsasaka.
