NANINDIGAN ang Commission on Elections (Comelec) na malinis ang idinaos na halalan sa kabila ng mga haka-haka bunsod ng kapuna-punang mabilis na pagbibilang ng mga boto.
Inalmahan ng mga netizen ang partial and unofficial count of votes na inilalabas ng Comelec kung saan, nangunguna sa presidential race si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Kumalat din sa social media ang isang post kung saan, marami ang nagduda at nagsabing may nakaprograma o may nakatanim na daya sa mga Vote Counting Machine (VCMs).
Dahil dito, nagrally ang ilang mga estudyante at militanteng grupo sa punong tanggapan ng Comelec sa Maynila upang kwestyunin ang naturang isyu.
Ayon kay Commissioner Marlon Casquejo, hindi papasa sa mga pagsusuri ang mga automated election system kung may nakaprogram na pandaraya.
Mahirap umanong patunayan na mayroong naganap na pandaraya sa botohan dahil ang lahat ng system ay dumaan sa certification ng kanilang ahensya.
Nilinaw ni Casquejo na sa kada limang minuto, nakabase ang unofficial count sa transmission ng mga presinto ng transparency server at hindi na kailangang hintayin pa ang mga resulta sa mga presinto para makapaglabas ng resulta sa mga boto.
Kaugnay nito, maging ang National Citizen’s Movement for Free Elections (NAMFREL) ay wala umanong nakitang iregularidad sa mga inisyal na election returns photos sa pamamagitan ng kanilang app.
Inilabas ng NAMFREL ang mga kuhang larawan ng 1,517 printed at posted election returns, gayundin ang mga resulta ng bandwidth tests sa pamamagitan ng kanilang app.
Ito’y mga election returns na kuha ng mga botante noong 10:19pm ng May 9, 2022.
Ayon sa NAMFREL, ang mga photo captured na election results ay tumutugma sa mga na-transmit electronically na Election Returns sa Transparency Server.
Ayon pa sa NAMFREL, may kabuuang 2,195 bandwidth tests din ang kanilang sinuri sa pamamagitan ng NAMFREL app mula sa iba’t ibang lokasyon sa buong bansa.
Lumilitaw na 73.91 percent itong tugma sa transmission rate ng election returns sa Transparency Server noong 10:32 PM, 9 ng May 2022.
Layon ng crowdsourcing application na mahikayat ang mga botante na tumulong para protektahan at gawing transparent ang election process.
