HINDI lang insulto kundi sampal sa dalawang malalaking samahan ng mga mamamahayag sa bansa na Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) at National Press Club (NPC) ang ginawang kasunduan ng Commission on Elections (Comelec) at Rappler na may kinalaman sa darating na May 9, 2022 national and local elections.
Ang tinutukoy po ng PUNA ay ang pinasok na pakikipagkasundo ng Comelec sa Rappler kamakailan na magtutulungan sila sa pagbabantay sa darating na eleksyon.
Layunin daw kuno ng memorandum of agreement (MOA) sa pagitan ng Comelec at Rappler na magkaroon ng malinis, mapagkakatiwalaan at tahimik na eleksyon.
Sa puntong ito, marami ang nag-react kung bakit ang Rappler ang pinili ng Comelec, ano raw bang mayroon ito? Kakambing ba o dilawan?
Nag-iisa lang ang Rappler kung ikukumpara sa napakaraming media outlet sa bansa na walang kinikilingan at pinoprotektahan (hindi GMA-7 ha).
Nariyan ang Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) at National Press Club (NPC), bakit kapuna-PUNA na ang nag-iisang Rappler pa ang pinili ng Comelec?
Ano ba ang Comelec, pribadong opisina? Bakit hindi nila isinasaalang-alang ang kapakanan ng taumbayan?
Gusto raw ba imonopolyo ng Rappler ang access sa Comelec para sa resulta ng halalan?
Minsan nang pinagdudahan ng taumbayan ang Rappler dahil sa inilabas nitong survey kamakailan sa pagitan nina dating Senador Bongbong Marcos at Vice President Leni Robredo.
Tanong tuloy ng mga tagasubaybay ng PUNA, mauulit na naman ba ang nangyaring kaduda-dudang labanan nina Marcos at Robredo noong nakaraang 2016?
Kaya sa pagkakataong ito ay hindi na sila makakapayag na mangibabaw pa sa darating na May 9, 2022 national and local elections ang kaduda-dudang resulta ng halalan.
Bukod sa ordinaryong mamamayan na tumututol sa kasunduan ng Comelec at Rappler ay nagpahayag na rin ng kanilang pagkadismaya ang mga retiradong pulis at militar.
Ayon sa kanila, hindi sila makakapayag sa pinasok na kasunduan ng Comelec at Rappler.
Maging ang Office of the Solicitor General sa pamumuno ni Jose Calida, ay naghain na ng petisyon at kinukuwestiyon nila ang pinasok na kasunduan ng Comelec at Rappler.
Kaya pansamantalang itinigil ng Comelec ang bisa na pinirmahan nilang MOA sa online news agency na Rappler.
Ito ay sa pamamagitan ng kautusan na pinirmahan ni Acting Chairperson Socorro Inting, ‘deferred’ ang lahat ng aksyon na may kinalaman sa Comelec-Rappler MOA habang pending ang petisyon ng Office of the Solicitor General sa Korte Suprema.
Nauna nang nagsampa ng petisyon ang OSG sa Korte Suprema para sa Temporary Restraining Order (TRO) ng kasunduan.
Buti na lang mabilis si sir Joe Calida, kung hindi nalusutan na naman ang taumbayan.
Ay naku, Comelec! Asikasuhin niyo na lang ang mga report na may mga tao na nag-iikot sa mga politiko na nanghihingi ng malaking halaga kapalit daw ng kanilang panalo sa darating na eleksyon.
Sinasabi ng mga taong ito na may kontak silang mataas na opisyal sa Comelec na gagawa ng paraan para manalo ang kanilang mga kliyenteng politiko.
Ayan Comelec, pasama na nang pasama ang imahe niyo sa taumbayan. Ano ang kasunod niyan?
Maghunos dili kayo sa inyong mga desisyon dahil nakatutok sa inyo ngayon ang taumbayan.
Batu-bato sa langit ang tamaan, ‘wag magagalit, trabaho lang, walang personalan.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0919-259-59-07.
