IKINOKONSIDERA ng Commission on Elections (Comelec) ang pag-post ng Statement of Contributions and Expenditures (SOCEs) ng mga kandidato, party-list groups at political parties online para sa pampublikong pagsisiyasat.
Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia, ang SOCE ay maaaring i-post online sa loob ng dalawang linggo ngunit kailangan ng pag-abruba ng Department of Information and Communications Technology para sa vulnerability assessment.
Ayon kay Garcia, kapag nakita ng publiko na ang SOCE ay may mali o kulang ang isinumite, dapat nilang ipagbigay-alam sa Political and Finance Affairs Department upang agad na mapag-aralan at maimbestigahan.
Ang mga kandidato, party-list at political parties na lumahok sa May 12 midterm elections ay mayroon lamang hanggang noong Hunyo 11 na magsumite ng kanilang SOCEs.
Base sa pinakahuling datos ng Comelec, 25 kandidato sa pagka-senador, 10 political parties at 64 party-list groups pa lamang ang nakapaghain ng kani-kanilang SOCEs.
Mayroong 64 senatorial candidates, 28 political parties at 154 party-list groups ang lumahok sa May 12 elections.
Sinabi ni Garcia, ang kabiguang makapagsumite ng SOCE ng dalawang magkasunod na halalan ay magreresulta ng perpetual disqualification ng kandidato para humawak ng posisyon.
Bukod sa kasong administratibo, ang mga mabibigong maghain ng kanilang SOCE ay mahaharap din sa criminal case, ayon kay Garcia.
(JOCELYN DOMENDEN)
