HINDI pa maihaharap sa plenaryo ng Senado ngayong linggo ang committee report kaugnay ng panukalang 2027 national budget, kinumpirma ni Senate Committee on Finance Chairman Senator JV Ejercito.
Sinabi ni Ejercito na una nilang target na ilatag ang committee report sa Miyerkoles, Nobyembre 11, subalit nagpapatuloy pa ang pagrebisa rito.
Ipinaliwanag ng senador na kabilang sa masusing sinusuri ng komite at iba pang senador ang mga panukalang budget ng ilang ahensya, partikular ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Transportation (DOTr), gayundin ang House-approved General Appropriations Bill (GAB).
Idinagdag ni Ejercito na kumuha sila ng anim hanggang pitong karagdagang staff member upang magsagawa ng detalyadong pagsusuri, katuwang ang team ni Senate President Sherwin Gatchalian.
Iginiit ng senador na nais nilang matiyak na kumpleto ang mga kinakailangang dokumento at requirements ng bawat proyekto upang maiwasan ang pag-uulit ng mga dating problema, gaya ng double entries at maling geotagging.
Target naman ng Senado na simulan ang plenary debates sa panukalang pambansang budget mula Nobyembre 23 hanggang Disyembre 1.
(DANG SAMSON-GARCIA)
41 