HUMARAP sa impeachment trial sa Senado bilang testigo ng defense team si Davao City Assessor Engr. Jaime Adalin, na nagpatunay na nakapangalan kay Atty. Manases “Mans” Carpio, asawa ni Vice President Sara Duterte, ang tax declaration ng isang ari-arian sa Juna Subdivision, Matina Crossing, Talomo, Davao City. Ayon kay Adalin, nagkakahalaga ng P82,046 ang assessed value ng nasabing ari-arian, habang P1,864,680 naman ang market value nito. (DANNY BACOLOD)
BINALAAN ng magkapatid na Senator Judges Erwin at Raffy Tulfo na posibleng maharap sa contempt ang unang testigo ng defense panel ni Vice President Sara Duterte dahil sa umano’y paligoy-ligoy na mga sagot tungkol sa biyahe sa China at sa isang ari-ariang iniuugnay sa asawa ng bise presidente na si Atty. Mans Carpio.
Nagbabala si Senator Erwin Tulfo kay Davao City Assessor Jaime Adalin na maaari itong i-cite in contempt dahil sa pag-iwas umano sa mga tanong tungkol sa biyahe sa China.
Kinuwestiyon naman ni Senator Raffy Tulfo ang pahayag ni Adalin tungkol sa gamit ng isang ari-arian sa Davao City na may karatulang Prime Bistro, na ayon sa testigo ay komersiyal ngunit ginagamit bilang tirahan.
Iniharap ng mga abogado ni Duterte si Adalin sa ika-40 araw ng paglilitis upang kilalanin ang mga rekord ng buwis ng lungsod at patunayang nakalista sa Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN) ng bise presidente ang kinukuwestiyong ari-arian sa Matina Crossing, Davao City.
Sa pagtatanong ni House prosecutor Atty. Benjamin Tolosa Jr., sinabi ni Adalin na itinalaga siyang city assessor noong 2017, nang alkalde pa ng Davao City si Duterte.
Tinanong siya ni Tolosa kung kabilang siya sa mga opisyal ng lungsod na bumiyahe sa China noong Nobyembre 2025, kung saan sinagot umano ng gobyerno ng China ang lahat ng gastusin.
“I think that is irrelevant. I think hindi ko talaga ma-recall,” sagot ni Adalin.
Sinabi naman ni Senator Judge Vicente Sotto III na mahalaga ang tanong upang matukoy kung mapagkakatiwalaan ang testigo.
Hiniling din ni Impeachment Court Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero kay Adalin na linawin ang kanyang sagot.
“Ang tanong ay simple, ano po ang hindi ninyo naalala? Yung petsa o yung biyahe?” tanong ni Escudero.
“Yung petsa siguro,” sagot ni Adalin.
“Pero nagbiyahe po kayo sa China noong mga ganong panahon?” usisa pa ni Escudero.
“Siguro. Again, I don’t have the record. Hindi mo naman memorize yung mga lakad mo, noh,” sagot ng testigo.
Dito na pinaalalahanan ni Senator Erwin Tulfo si Adalin na nanumpa itong magsasabi ng katotohanan.
“Para po tayong niloloko ng testigo na ito. Sir, may I remind you that you are under oath. Yung ginagawa ninyong kengkoy ang inyong testimonya, bawal po ‘yan. We can cite you in contempt. We are serious here,” sabi ni Tulfo.
“Tinatanong kayo kung nakapunta kayo, ayaw ninyong sabihin,” dagdag pa niya. “Yung pagsisinungaling po ay nasa kanya iyan, may consequences po iyan.”
Kinuwestiyon naman ni Senator Raffy Tulfo ang pahayag ni Adalin na komersyal ang ari-ariang may karatulang Prime Bistro ngunit ginagamit bilang tirahan.
“Natawa ako kanina, nakalagay na nga Prime Bistro, commercial ‘yun, ibig sabihin. Ang sinabi niya kanina, commercial pero ginagamit as residential,” sabi ni Raffy.
“He is lying through his teeth. Lumilitaw na para bang pinagloloko tayo,” dagdag niya.
Ayon pa sa senador, ang pangalang Prime Bistro ay nagpapahiwatig na negosyo o kainan ang establisimyento, kaya kinuwestiyon niya kung bakit sinasabing ginagamit lamang ito bilang tuluyan.
Nauna nang sinabi ng National Bureau of Investigation (NBI) na nakarehistro kay Carpio ang Prime Bistro.
Sa SALN ni Duterte, nakasaad na P10 milyon ang halaga ng ari-arian nang makuha ito, habang P82,000 naman ang nakalistang fair market value.
(DANG SAMSON-GARCIA)
43 