PINAMAMADALI na ng national government ang pagkumpleto sa Alaminos–San Pablo Bypass Road upang agad na maibsan ang mabagal na daloy ng trapiko sa Maharlika Highway at mapabilis ang biyahe ng mga motorista sa Laguna at Quezon.
Patuloy ang konstruksyon sa mga natitirang bahagi ng proyekto, kung saan nakapaglatag na ng konkretong kalsada sa Barangay San Agustin, Alaminos, Laguna, habang sinimulan na rin ang road base preparation sa Barangay San Miguel, San Pablo City.
Ayon sa DPWH Region 4A, inaayos pa lamang ang ilang usapin sa Road Right-of-Way o ROW na kailangang maresolba upang maituloy ang konstruksyon sa mga hindi pa natatapos na bahagi ng humigit kumulang na 13 kilometrong bypass road na sinimulan noon pang 2016.
Mahigpit namang mino-monitor ang progreso ng proyekto alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pabilisin ang mga kasalukuyang infrastructure projects upang matapos na ito ngayong taon at mapakinabangan agad ng publiko.
Kapag natapos, inaasahang magiging 15 minuto na lamang ang biyahe mula Alaminos hanggang sa dulo ng bypass road sa Maharlika Highway, malapit sa hangganan ng San Pablo City, Laguna at Tiaong, Quezon at vice versa.
Bukod sa mas mabilis na biyahe, inaasahang magsisilbi itong alternatibong ruta ng mga motorista at makababawas sa pagsisikip ng trapiko sa Maharlika Highway lalo na sa bahagi ng San Pablo City.
(NILOU DEL CARMEN)
46 