Kayang ibangon ng mga Pinay entrepreneur ang ekonomiya ng bansa. Ayon kay Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion, dahil kababaihan ang bumubuo ng halos 90 porsiyento ng micro at small entrepreneurs sa bansa, ang pagpapalakas ng bahaging ito ng populasyon ay isang malaking hakbang para maibangon ang Pilipinas mula sa Covid-19 pandemic.
“We need to inspire and motivate our women entrepreneurs,” sabi ng Go Negosyo founder. Inihahanda na ng Go Negosyo ang Women 2022 Entrepreneurship Summit na gaganapin online ngayong araw, Marso 11 sa 9 ng umaga. Higit sa 15,000 ang dadalo sa pagtitipon, at higit pa ang inaasahan na sasali sa livestreaming nito sa Facebook ng Go Negosyo at mga partners nito.
“Napapanahon ang Women 2022 Entrepreneurship Summit dahil nakita natin kung paano maaaring maging puwersa ang mga kababaihang negosyante sa pagpapalakas ng ating ekonomiya,” sabi ni Concepcion. “Marami sa kanila ang humarap sa mga hamon sa panahon ng pandemya, lalo na sa muling pag-pundar ng kanilang mga negosyo. Sa kabila nito, nagpakita sila ng katatagan.” Maraming negosyanteng Pinay ay dati nang aktibo sa e-commerce, ngunit dahil sa Covid-19 pandemic, nalantad ang kakulangan nila sa pondo at sapat na pagsasanay sa e-commerce.
Umaasa si Concepcion na sa pamamagitan ng Women’s Summit, mas maraming Pinay entrepreneur ang mai-inspire sa tagumpay ng mga babaeng mentor at lider. Ang summit ay paraan din para matuklasan ng mga nagnanais na magnegosyo ang iba’t-ibang modelo at pamamaraan ng pagne-negosyo.
Sa temang “Thriving in a Changed World: Women Leading the Way,” ang summit ay binubuo ng tatlong kaganapan, bawat isa ay layong magbigay ng inspirasyon sa susunod na henerasyon ng mga Pinay na negosyante na magsimula ng kanilang sariling mga negosyo.
Una ay isang virtual conference na tatalakayin ang papel ng kababaihan sa pagpapalakas ng ekonomiya; kasunod ang Inspiring Filipina Entrepreneurs Awards na kikilalanin ang 17 na natatanging Pinay na negosyante. Ikatlong kaganapan ay ang Women Enterprise Enablers Virtual Expo, isang exhibit ng mga negosyong pinamumunuan ng kababaihan at mga organisasyong kasosyo. Ito rin ay inaasahang mag-uugnay ng mga maaaring maging kasosyo ng mga negosyante.
Ang Women 2022 Entrepreneurship Summit ay umaasang mag-inspire sa mga innovator at entrepreneur na magsimula ng mga negosyong may positibong epekto sa lipunan gamit ang inclusive, innovative at sustainable na pagnenegosyo.
Sinabi ni Concepcion na ang pagtulong sa mga Pinay na negosyante ay mas naging mahalaga ngayong ang Pilipinas ay nahaharap sa kabi-kabilang balakid sa pagbangon nito. Ang tumataas na presyo ng mga bilihin na dulot ng krisis sa Russia-Ukraine ay nakakaapekto sa paggalaw ng ekonomiya, habang ang patuloy na takot sa Covid ay nagdudulot pa rin ng pangamba sa ilang mga Pilipino.
Samantala, ang mga maliliit na negosyante ay umaasa na sa muling pagbubukas ng ekonomiya ay mababayaran na ang kanilang mga pagkakautang na dulot ng mga lockdown at mga paghihigpit sa nakalipas na dalawang taon. Ang gobyerno ay nahaharap din sa Php12 trilyon sa pambansang utang.
Inaasahan na sa muling pagbubukas ng ekonomiya, makakayanan ng bansa ang epekto ng mga krisis at makakuha ng sapat na kita upang mabayaran ang mga utang nito.
“Dapat nating tandaan na ang MSMEs ay higit sa kalahati ng mga kabuuang trabaho ang naia-ambag sa Pilipinas. Ang kanilang pagbangon ay pagbangon nating lahat,” ani Concepcion.
