Convenience store hinoldap 1 SUGATAN, 1 ARESTADO SA MGA PARAK

CAVITE – Sugatan ang isang lalaki, arestado ang isa habang pinaghahanap ang isa pang kasamahan na pawang mga suspek sa panghoholdap sa isang convenience store, matapos na nakipagpalitan ng putok sa mga awtoridad sa Imus City nitong Biyernes ng madaling araw.

Isinugod sa ospital ang suspek na si Jomel Bayon, 41, ng Gen. Trias City, Cavite dahil sa sugat sa katawan, arestado si Ace caballa Aguilar, 37, ng Dasmariñas City habang nagsasagawa ng hot pursuit operation ang mga awtoridad laban sa isa pang kasamahan ng mga ito na mabilis na nakatakas.

Ayon sa ulat ni Corporal Jessie Villanueva ng Imus City Police, bago ang armed encounter, nakatanggap ng tawag ang Imus Police hinggil sa nangyayaring robbery holdup isang convenience store sa Yazaki, Brgy. Anabu 2A, Imus City dakong alas-2:00 ng madaling araw.

Agad nagresponde ang mga tauhan ng 252 Mobile Patrol ng Imus CPS sa naturang establisimyento kung saan namataan ang sasakyan ng mga suspek na isang puting Mitsubishi Mirage na walang plaka.

Hinabol ng mga awtoridad ang sasakyan ng mga suspek at umabot ito hanggang sa Brgy. Salitran 2, Dasmariñas City kung saan nakipagpalitan ng putok ang mga ito sa mga pulis na ikinasugat ni Bayon habang naaresto si Aguilar.

Inaalam pa ng mga awtoridad kung magkano ang natangay sa nasabing convenience store habang patuloy ang isinasagawang imbestigasyon sa kaso. (SIGFRED ADSUARA)

190

Related posts

Leave a Comment