CORRUPT PHILHEALTH OFFICIALS, SIBAKIN AT IKULONG

SIBAKIN, kasuhan at ikulong ang mga tiwaling opisyal ng Philippine Health Insurance Corporation kasunod ng panibagong mga alegasyon laban sa mga ito.

Ito ang panawagan ni Senador Kiko Pangilinan bilang patunay ng sinseridad ng gobyerno laban sa  katiwalian.

“Ito at ang pagpapalakas nang husto ng ating sistema ng kalusugan ang magpapatunay ng  sinseridad at pagiging seryoso ng Admin na sugpuin ang problema ng COVID. Kung seryoso ang  gobyernong Duterte na unahin ang kaligtasan ng taumbayan, dapat sibakin agad ang lahat na sangkot sa anomalya sa PhilHealth, kasuhan ng plunder at agad na ikulong. Dito natin gusto makita  ang tunay at hindi yung gawa-gawa lang at siga-siga na political will,” saad ng senador.

Binigyang-diin ni Pangilinan na sa panahon ngayon kailangang maging desidido ng gobyerno para  sa mass testing, contact tracing at paggamot sa mga maysakit.

“Hindi na maitago ng pagmumura, pang-iinsulto, at pananakot ang unti-unti nang umaalingasaw na  katotohanan na malaking pagnanakaw, sobrang kapabayaan, at kawalan ni katiting na malinaw na  solusyon ang ambag ng Administrasyong Duterte sa kasalukuyang krisis,” giit pa nito.

“Sinusunog na sa impyerno ang mga kaluluwa ng mga nagnanakaw ng pondo ng gobyerno para sa  kalusugan habang libu-libo na ang nagkakasakit o namamatay dahil sa pandemya,” diin pa ni  Pangilinan.

Sinegundahan naman ni Senador Risa Hontiveros ang panawagang papanagutin ang mga mapatutunayang may kasalanan.

“Kailangang malinis ang ahensiya at siguraduhing ang pondo ng publiko ay napupunta sa publiko.

Kung may napatunayang tiwali at sinasamantala ang pandemya para kumita, dapat lang na panagutin sa batas,” giit ni Hontiveros.

Mariin naman ang panawagan ni Senador Bong Go sa liderato ng Philhealth na agad resolbahin ang mga isyu ng katiwalian.

“Nakailang pagdinig na tayo ukol sa mga problema ng PhilHealth. Kahit noong hindi pa ako Senador ay isyu na ito. Enough is enough. I call on the PhilHealth leadership to put a stop on these issues of anomalies within its ranks. Once and for all, shape up or ship out!” diin ni Go. (DANG SAMSON- GARCIA)

330

Related posts

Leave a Comment