COTABATO NAGTALA NG UNANG COVID LOCAL TRANSMISSION

NORTH COTABATO – Sa kauna-unahang pagkakataon, nakapagtala na ang Cotabato province ng unang local transmission case o community transmission ng COVID-19 sa bayan ng Midsayap, iniulat kahapon.

Kinumpirma ito ni Emergency Operation Center Manager and COVID-19 Task Force Spokesperson and Board Member Philbert Malaluan.

Ang nabanggit na unang local transmission ay tatlong pasyente na iniulat ng DOH-12 noong Miyerkoles ng gabi.

Ang mga ito ay kinabibilangan ng isang 29-anyos na lalaki, 57-anyos na babae at 84-anyos na babae na may close contact sa dalawang COVID-19 positive patient sa lugar.

Ang dalawang una na naiulat na nagpositibo sa sakit ay may travel history mula sa Davao City kung saan posibleng nakuha ang virus sa labas ng Cotabato province.

Matatandaang inaprubahan ng Regional Task Force ang kahilingan ng LGU-Midsayap na isailalim sa localized lockdown ang ilang residential compounds sa Barangay Poblacion 1 at 6, ilang business establishment kung saan nagtatrabaho ang negosyanteng nagpositibo sa sakit partikular sa Old Market Bagsakan mula Setyembre 3 hanggang Setyembre 17.

Ipinahayag din nito na hindi na magpapatupad ng enhanced community quarantine sa bayan bagkus ipatutupad lamang ang localized lockdown.

Ipinahayag din ni Malaluan na mayroong dalawang uri ng local transmission, ito ay localized at widespread form.

Sa ngayon, mas pinaiigting pa ng Task Force ang pagsasagawa ng contact tracing habang lahat ng kapamilya at business employees ng mga pasyente ay sumailalim na sa quarantine. Kabilang dito ang posibleng mga customer at supplier ng pasyente. (BONG PAULO)

246

Related posts

Leave a Comment