MANILA – Naghain ngayong araw ng kani-kanilang counter-affidavit sa Department of Justice (DOJ) ang mga anak ng negosyanteng si Charlie “Atong” Ang para pabulaanan ang mga paratang na idinadawit sila sa kaso ng mga nawawalang sabungero.
Sa pamamagitan ng kanilang mga abogado, tinawag ng mga anak ni Ang na “walang basehan at walang kredibilidad” ang mga akusasyong ibinabato laban sa kanila ng nagpakilalang whistleblower na si Julie “Dondon” Patidongan.
Ayon kay Atty. Lorna Kapunan, isa sa mga abogado ng pamilya Ang, nabigo si Patidongan na magpakita ng sapat na ebidensiya para suportahan ang mga kasong isinampa laban sa kanyang mga kliyente.
“Hindi naipakita ni Patidongan ang prima facie evidence na magbibigay ng makatwirang batayan para ituloy ang kaso. Wala itong sapat na bigat para humantong sa posibleng hatol,” ayon kay Kapunan.
Giit pa ng abogado, inosente ang mga anak ni Ang sa lahat ng paratang at nakasaad sa kanilang counter-affidavit ang mga ebidensyang magpapatunay dito.
Dagdag pa ni Kapunan, desperado na umano si Patidongan na isangkot ang pamilya Ang at ilang malalapit na kaibigan upang mailigtas ang sarili sa kasong kidnapping na kasalukuyan nitong hinaharap sa isang korte sa Maynila.
“Sa pagtatangkang idamay si G. Ang, ang kanyang mga anak at mga kasamahan, malinaw na si Dondon ay kumakapit na lamang sa patalim upang takasan ang pananagutan sa mga pamilya ng mga nawawalang sabungero,” ani Kapunan.
Ipinunto pa ng abogado na si Patidongan mismo ang tunay na utak sa likod ng kaso, at mapatutunayan umano ito sa nagpapatuloy na preliminary investigation ng DOJ.
Sinabi rin ni Kapunan na habang nananawagan din ng hustisya ang pamilya Ang para sa mga nawawalang sabungero, nagtitiwala sila na makikita ng DOJ ang kawalang-basehan ng mga akusasyon laban sa kanila.
Ayon naman kay Charlie “Atong” Ang, mahalaga ang kanilang isinagawang hakbang upang matiyak ang impartialidad at makabuo ng patas at kapani-paniwalang imbestigasyon na katanggap-tanggap sa lahat ng panig.
(PAOLO SANTOS)
