MATUMAL ang paglalabas ng Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) sa Mababang Kapulungan ng Kongreso dahil anim pa lang na party-list representatives at isang district congresswoman ang nagsapubliko ng kanilang yaman.
Habang isinusulat ito, tanging sina ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, Kabataan Rep. Renee Co, Gabriela Rep. Sarah Elago, Akbayan Reps. Perci Cendaña, Chel Diokno, Dadah Ismula, at Dinagat Islands Rep. Arlene “Kaka” Bag-ao ang mga naglabas ng kanilang SALN.
Ginawa nila ito matapos alisin ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla ang restriksyon ni dating Ombudsman Samuel Martires, na humarang noon sa pagbubukas ng nasabing dokumento sa publiko.
Ngunit matapos ang paunang hakbang ng ilang kongresista, hindi na nasundan ang pagpapalabas ng SALN ng iba pang miyembro ng Kamara.
Ayon kay Rep. Renee Co, maliban sa Makabayan bloc, tila walang ibang kongresista ang nagpapakita ng intensyong ilabas ang kani-kanilang SALN.
Samantala, sinabi ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III na tatalakayin ng mga kongresista ngayong recess ang proseso ng paglalabas ng kanilang SALN sa publiko.
Samantala, isinapubliko na rin ni Senador Risa Hontiveros ang kanyang pinakahuling Statement of Assets, Liabilities and Networth o SALN.
Sa kanyang SALN as of December 31, 2024 na isinumite noong April, idineklara ni Hontiveros na nasa P18.98 milyon ang kanyang net worth.
Si Hontiveros ang unang senador na kusang naglabas ng kanyang SALN matapos alisin ng Ombudsman ang istriktong polisiya sa pagsasapubliko ng dokumento.
(BERNARD TAGUINOD/DANG SAMSON-GARCIA)
22
