PISONG TAAS PASAHE SAPUL ANG MGA MANGGAGAWA’T ESTUDYANTE

AT YOUR SERVICE ni KA FRANCIS

ISA na namang dagdag-pasanin ni Juan Dela Cruz ang hirit ng mga grupo ng transportasyon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na aprubahan ang P1 provisional na dagdag sa pamasahe para sa unang apat na kilometro ng biyahe sa mga pampasaherong jeep.

Ang panawagang ito ay para maibsan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo, piyesa, at iba pang mga gastusin sa maintenance.

Sinabi ni Ramon Guevarra, pangulo ng Jaen Nueva Ecija Transport Corporation, kinakailangan na ang dagdag-pasahe dahil sa tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng mga piyesa, baterya, gulong, at iba pang kagamitan para mapanatiling ligtas at maayos ang mga jeep sa kalsada.

Sinang-ayunan naman ni Melencio “Boy” Vargas, Pangulo ng Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP), ang naturang panawagan.

Ang ALTODAP ay isa sa mga grupong naghain ng petisyon sa LTFRB noong Agosto upang gawing permanente ang P1 provisional increase na inaprubahan noong Oktubre 2023, at idagdag pa ang isa pang provisional hike upang maibsan ang pagkalugi ng mga operator at tsuper.

Sa ngayon, P13 ang minimum na pamasahe sa tradisyunal na jeep at P15 sa modernong jeep para sa unang apat na kilometro. Kapag inaprubahan ng LTFRB ang karagdagang P1 provisional increase, magiging P14 na ang pamasahe sa tradisyunal na jeep at P16 naman sa modernong unit.

Binigyang-diin nina Guevarra at Vargas na higit na kailangan ngayon ang dagdag-pasahe dahil sa implasyon at patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin. Ayon pa sa kanila, mahalaga ang tulong ng pamahalaan sa pamamagitan ng dagdag-pasahe upang matulungan ang mga tsuper at operator na makabawi sa taas-gastos sa operasyon.

Kung makatutulong sa mga tsuper at operator ng jeepney ang dagdag-taas na pasahe sa pampublikong sasakyan ay tila perwisyo naman sa mananakay lalo sa mga ordinaryong manggagawa at mga estudyante na araw-araw sumasakay sa mga pampasaherong jeepney.

Kung sa loob ng isang buwan ay may 30-araw, awtomatikong 30 piso rin ang mawawala sa mga ordinaryong manggagawa at estudyante dahil sa nasabing na pagtataas ng piso sa pamasahe.

Nauna nang hinagupit ng mga kalamidad ang bansa nitong mga nakaraang linggo at nariyan din ang malalang korupsyon sa pondo ng bayan.

Saan pa kaya pupulutin ang Bayan ni Juan? May natitira pa bang malasakit ang mga halal na opisyal natin o sarili na lang nila ang kanilang iniisip? Mahiya naman kayo!

oOo

Binabati natin ang ating kaibigan na si Andrew Rabulan, chief photographer ng pahayagang Remate ang Dyaryo ng Masa, na binigyan ng pagkilala ni Mayor Jeannie Sandoval ng Malabon City sa ginanap na Malabon Business Week 2025 ARAW NG PASASALAMAT kamakailan.

Para sa inyong katanungan, maaari po kayong mag-text sa cell# 0917-861-0106.

19

Related posts

Leave a Comment