TARGET ng National Task Force Against COVID-19 (NTF COVID-19) na ma-flatten ang COVID-19 curve ngayong buwan.
Ayon kay Defense Secretary Delfin N. Lorenzana, na siya ring NTF COVID-19 chairman, ito ay dahil layunin ng pamahalaan na mailagay sa modified general community quarantine ang Metro Manila.
“Ang ating layunin sa buwan na ito ay mag-flatten tayo o hindi kaya mas maganda kung maibaba natin iyong ‘curve’ para siguro pagkatapos ng buwan ng Setyembre ay makapunta na tayo sa MGCQ at medyo maluwag-luwag ang buhay ng mga tao,” pahayag ni Sec. Lorenzana nang bisitahin ng Coordinated Operations to Defeat Epidemic (CODE) Team ang Caloocan City na isa sa mga epicenter ng coronavirus.
Pahayag ng kalihim, mas mainam sana na mabawasan ang bilang ng new infections sa bansa.
Ang susi umano nito ay nakasalalay sa mga local government unit lalo na ang mga barangay na makikipagtulungan sa national government na may kakayanan sa pagpapatupad ng itinakdang
quarantine at bio-safety protocols.
“Ang mga frontliners natin ay ang ating mga barangay officials na nagpapatupad ng quarantine protocols, [tulad ng] pagsusuot ng face masks, social distancing, sanitation, at iyong mga dapat nating gawin,” ani Lorenzana.
Ang CODE teams ay binubuo ng mga national at local health officials at iba pang mga katuwang na personalidad sa ground.
Sa ilalim ng CODE strategy, ang sinomang makikitaan ng sintomas ng COVID-19 ay isasailalim sa Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) test o swab test habang ang mga na-expose sa mga nagpakita ng sintomas ay isasailalim sa isolation.
Batay sa pinakahuling datos mula sa Department of Health, lumobo pa sa 3,790 ang death toll sa bansa, habang ang kabuuang bilang ng mga kaso ay umakyat pa sa 234,570. (JESSE KABEL)
143
