MAGIGING maluwag na ang COVID-19 lockdown sa Metro Manila sa May 16 at nakatakda na ring muling magsimula ang ekonomiya ng bansa.
Ang community quarantine ay dapat nang i-downgrade sa general mula sa enhanced upang payagan ang mga negosyo na subukan ang ‘new normal’ habang ang huling 2 linggo ay nagpakita ng ang infection curve ay pumapatag na (flattening).
Binanggit ito ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion, at ipinaalala na ang huling araw ng ECQ o enhanced community quarantine sa Metro Manila at iba pang urban centers ay nakatakda sa May 15 matapos ipatupad ang 2 extensions.
Tumagal ang ECQ ng dalawang buwan.
Si Pangulong Rodrigo Roa Duterte ay kasalukuyang nakikipagpulong sa mga opisyal ng pamahalaan ukol sa lockdown matapos hilingin ng Metro Manila mayors ang panibagong 15-day extension.
“It’s how it should be done…You open the economy and locked down communities with infections…We have to take a bit of risk, we have been quite conservative,” ayon kay Concepcion.
“Let’s try something different. Lets try to move to GCQ by locking down barangay with high levels. Let’s try it for 2 weeks,” dagdag na pahayag nito.
Ang pagbubukas ng ekonomiya habang ang vaccine o bakuna ay dine-develop at ang pamahalaan ay patuloy na ginagawa ang lahat upang taasan ang testing capability nito ay tutulong na mapanatili ang hanapbuhay at iligtas ang maliliit na kumpanya mula sa bankruptcy.
Nabatid pa na ang lockdown, matapos ang Taal Volcano eruption noong Enero ang dahilan ng pagliit ng ekonomiya ng 0.2 percent sa first quarter, ang first contraction simula 1998. CHRISTIAN DALE
