TINATAYANG tatlo hanggang limang taon pa bago ideklarang ‘endemic’ ang COVID -19 sa bansa sa kabila ng pagbaba ng numero nito sa kasalukuyan.
Dahil dito, nilinaw ni Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire na ang World Health Organization (WHO) ang magsasagawa ng ebalwasyon nito.
Ipinaliwanag ng US Centers for Disease Control and Prevention na masasabing ‘endemic’ kung palagian nang matatagpuan ang isang sakit o isang ‘infectious agent’ sa isang lugar.
“It’s about three to five years of observations, of notations, of taking blood tests or taking swabs kung COVID ‘yan among the general population,” ayon pa kay Vergeire.
Reaksyon ito ng DOH sa pahayag ni Dr. Guido David ng OCTA Research Group na maaaring malapit nang marating ng Cebu City ang ‘endemic stage’.
Pinaalalahanan ni Vergeire ang iba’t ibang grupo na mag-ingat sa pagpapalabas ng pahayag dahil baka maging dahilan ito ng pagsasawalang-bahala ng publiko sa palagiang ipinapaalala na pagsunod sa minimum health standards. (RENE CRISOSTOMO)
215 