PINAGHAHANDAAN na ng Armed Forces of the Philippines ang ilalatag na plano kung paano maayos at episyenteng ipamamahagi ang coronavirus vaccine sa sandaling ihayag na tagumpay at
ligtas na itong ibigay sa taumbayan particular ang magmumula sa China.
Ayon kay AFP Spokesman Maj. General Edgard Arevalo, “kaagad pong inatasan ng ating AFP Chief of Staff General Felimon Santos, Jr. ang kanyang mga staff upang pagplanuhan at paghandaan yan (distribution) before December kung kailan pinaniniwalaan na magkakaroon na ng vaccine para sa COVID-19.”
Inihayag din ni Gen. Arevalo na “Ikinatutuwa po natin ang malaking tiwala sa AFP ng ating Commander-in-Chief. ”
Una rito, inihayag ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na AFP ang magsisilbing “implementing arm” ng ilulunsad na coronavirus immunization program na inaasahang maisakatuparan sa buwan ng Disyembre.
Kabilang sa inatasan ng Pangulo na mangasiwa sa gagawing contagion response ng Pilipinas sina Defense Secretary Delfin Lorenzana, Interior Secretary Eduardo Año, Peace Process Adviser
Secretary Carlito Galvez Jr. at Environment Secretary Roy Cimatu.
Umaasa ang Pangulo na sa Disyembre ay makapagdedeliber na ang China ng inaasam na anti-virus vaccine dahil may dalawa sa tatlong most advanced coronavirus vaccines na gawa ng Chinese drug firm ay nasa Phase 3 trials, o large-scale testing on humans – ang huling yugto ng pagsubok bago ang regulatory approval.
Una rito, inihayag ng China Foreign Ministry na prayoridad ng bansang China ang Pilipinas sa sandaling maging available na ang bakuna laban sa COVID-19. (JESSE KABEL)
