NAGBABALA ang isang eksperto mula sa University of the Philippines Los Baños (UPLB) na posibleng sumampa sa 76,000 ang kabuuang bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa sa buwan ng Agosto.
Ito ay kung pagbabasehan ang patuloy na pagtaas ng kaso ng naturang virus araw-araw.
Inihalintulad ni UPLB Assistant Dr. Darwin Bandoy ang kasalukuyang lagay ng Pilipinas sa Estados Unidos na nangunguna pa rin sa mga bansang may mataas na COVID-19 cases na umakyat na ng mahigit 3.8 million.
Malaki umano ang ambag dito ng pagtaas ng testing capacity ng bansa.
Sa kabilang dako, bahagyang bumaba ang fatality rate na naitatala sa bansa. Mula sa 6% noong Hunyo ay nasa 2% na lamang umano ito ngayon na senyales ng pagbuti ng healthcare system sa bansa.
Gayunman, nakakita ang mga eksperto ng muling pagtaas sa positivity rate na ang itinuturong dahilan ay ang muling pagbubukas ng ekonomiya at community transmission.
Saka lamang umano malalaman na lumiliit na ang bilang ng nagkakasakit sa oras na bumaba na rin ang positivity rate. Kung tumaas naman ang bilang ay maikokonekta ito sa expanded testing na ginagawa ng Department of Health (DOH).
Samantala, nilinaw naman ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire na hindi sapat ang antibody test na gamitin upang matukoy kung may COVID ang isang tao o wala. (DAVE MEDINA)
