COVID CASES SA PNP SUMIPA SA 14,283

ISANG 45-anyos na lalaking non-commission police officer (NCPO) na nakatalaga sa PNP-National Capital Regional Police Office, ang pumanaw at nadagdag sa bilang ng mga pulis na namatay dahil sa COVID-19 nitong nakalipas na linggo.

Ayon kay P/Lt. General Guillermo Eleazar, PNP Deputy Chief for Administration, nasa 37 na ang naitalang COVID-19 death toll sa hanay ng pulisya kasunod ng pagkamatay ng isang 45-anyos na NCPO na nakatalaga sa Metro Manila.

Sa report na inilabas ng PNP Health Service, nasa 185 bagong COVID-19 cases ang naitala noong Sabado at 13 sa mga ito ay nahawa lang o muling nadapuan ng coronavirus.

Sa kabuuan, sumampa na sa 2,068 ang total number ng active cases sa PNP.

Sa kasalukuya, ang PNP ay mayroon nang 14,283 COVID-19 cases, sa bilang na ito ay nasa 12,178 naman ang nakarekober sa nasabing sakit.

Bunsod nito, pinatitiyak ni PNP chief, Gen. Debold Sinas na istriktong ipatupad ang minimum health and safety protocol sa lahat ng mga kampo ng PNP kaya ipinag-utos ni Lt. Gen. Eleazar ang pagsasagawa ng inspeksyon ng police and unit commanders sa kanilang mga nasasakupan.

Mula sa 350 active cases noong unang linggo ng Marso, biglang umabot sa 2,068 cases ang naitala noong Marso 27, 2021. Nasa 14,283 naman ang total na bilang ng mga nagpositibo sa hanay ng PNP mula noong nakaraang taon. (JESSE KABEL)

153

Related posts

Leave a Comment