COVID DEATHS SA CALOOCAN: 158

BINAWIAN ng buhay ang isang COVID-19 patient sa Caloocan City noong Linggo, Agosto 23, kaya’t umakyat na sa 158 ang COVID-19 death toll sa lungsod, ayon kay Mayor Oscar Malapitan.

Ayon sa alkalde, umabot na sa 4,261 ang tinamaan ng nasabing nakamamatay na sakit sa siyudad.

Sa bilang na ito ay 1,976 ang nakarekober na.

Noon ding Linggo, isang pasyente mula sa Barangay Flores, Malabon City ang binawian ng buhay dahil sa coronavirus disease, ayon sa City Health Department, habang 42 ang nadagdag na
confirmed cases.

Umabot na sa 3,324 ang positive cases sa lungsod at 745 dito ang active cases.

Ang mga bagong kaso ay mula sa Barangay Baritan (6), Catmon (2), Flores (1), Maysilo (18), Panghulo (7), San Agustin (1), Tinajeros (4) at Tugatog (3).

Sa kabilang dako, 17 katao ang nadagdag sa bilang ng mga pasyenteng gumaling na nagmula sa Barangay Baritan (1), Catmon (3), Maysilo (5), San Agustin (3), Tanong (4) at Tinajeros at sa kabuuan ay 2,439 ang recovered patients sa Malabon.

Inihayag naman ni Mayor Toby Tiangco ng Navotas, 68 ang nai-report na gumaling sa COVID-19 sa fishing capital at 13 naman ang nagpositibo.

Nagpaalala muli ang alkalde sa mga sasabak sa trabaho na tandaan ang safety measures gaya ng pagsusuot ng face mask na natatakpan ang ilong at bibig, pagsusuot ng face shield at paghuhugas o
pag-aalcohol parati ng mga kamay.

“Pag nasa opisina o lugar ng trabaho, iwasan po muna ang malapitang pag-uusap. Iwasan din ang salu-salo. Kung dati, sharing is caring, ngayon, ang galit-galit ay pagmamalasakit. Huwag
manghawa, huwag magpahawa,” ani Tiangco.

Kaugnay nito, sinimulan na kahapon ng lungsod ng Navotas ang pamamahagi ng Calamity Financial Assistance para sa special education students at hinikayat ang mamamayan na tingnan ang
kanilang schedule para sa pag-claim.

Ang ayuda ay makukuha sa NavoServe Office, kailangan lamang magdala ng PWD ID at/o SPED School ID ng estudyante (original at photocopy, back to back), isang valid ID ng magulang/guardian (original at photocopy, back to back).

Kung kinatawan ang kukuha, kailangan ang authorization letter mula sa magulang/guardian at isang valid ID (original at photocopy, back to back). (ALAIN AJERO)

96

Related posts

Leave a Comment