NAKAPAGTALA ng isang namatay sa COVID-19 ang Valenzuela City, habang bahagyang tumaas ang active COVID cases sa lungsod.
Ayon sa City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU), mula sa 829 noong Disyembre 2 ay naging 830 ang COVID deaths sa siyudad noong Disyembre 6, at mula sa dating 29 ay umakyat sa 34 ang active cases.
Pumalo na sa 35,835 ang confirmed cases sa lungsod, at sa nasabing bilang ay 34,971 na ang gumaling.
Ayon naman sa Malabon City Health Department, apat ang nadagdag na confirmed cases sa lungsod noong Disyembre 6 at sa kabuuan ay 21,290 ang positive cases sa siyudad, 11 dito ang active cases.
Ang mga bagong kaso ay naitala sa Barangays Acacia (1), Longos (2), at Tugatog (1). Habang dalawang pasyente ang nadagdag sa bilang ng mga gumaling. Sila ay mula sa Barangays Tinajeros (1) at Tonsuya (1).
Sa kabuuan ay nasa 20,628 ang recovered patients ng Malabon, at hindi naman nadagdagan ang 651 COVID casualties.
Wala namang nadagdag sa bilang ng mga namatay at gumaling habang wala ring nadagdag na bagong kaso sa Navotas City sa nasabing petsa. Nanatili sa walo ang active cases, at hindi rin nagbago ang 17,625 total cases, 17,073 gumaling, at 544 namatay.
Hindi pa naglalabas ng COVID-19 cases update ang Caloocan City habang isinusulat ito. (ALAIN AJERO)
