DAVAO City – Makaraang ibunyag ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na may local transmission na ang coronavirus disease 2019 (COVID-19) dito sa lungsod, isa na namang 72-anyos na lalaki mula sa isang sabungan sa lalawigan ng Davao del Sur ang nakumpirmang positibo sa virus.
Sa inilabas na test result ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) noong Lunes, Marso 30, ayon sa opisyal ng Municipal Health Office (MHO) ng Matanao, Davao del Sur, may exposure ang nasabing pasyente sa New Matina Gallera dito sa lungsod noong Marso 13, 2020, at katulad na kaso sa Digos City.
Sinabi ni Dr. Patricia Ornales, Municipal Health Office chief ng Matanao, ang pasyente ay may “hypertensive with post stroke” ngunit “ambulatory.”
Ngunit nilinaw ni Ornales na patuloy na nakarerekober ang pasyente habang naka-confined sa Southern Philippines Medical Center ng lungsod.
Sa datos ng MHO sa lugar, aabot na sa 463 ang persons under monitoring (PUMs), 332 nito ang naka-kumpleto na sa home quarantine, habang nasa 131 ang patuloy na mino- monitor.
Dalawang pasyente rin ang under investigation (PUIs) ngunit ang isang 71-anyos na ginang ang namatay na at nakumpirmang negatibo sa COVID-19 test, habang ang isa pa ay naka-kumpleto na sa home quarantine. (DONDON DINOY)
191 