HINDI pa rin tumitigil ang katiwalian sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa gitna ng imbestigasyon ng Kongreso at maging ng binuong Task Forces ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa pagkakataong ito ay ang pondo umano sa COVID-19 test ang pinupuntirya ng mga tiwali sa state insurer.
Ito ang isiniwalat ni House deputy majority leader Bernadeth Herrera sa kanyang privilege speech kaugnay ng natuklasang bagong anomalya sa PhilHealth kasabwat ang mga tiwaling pagamutan.
“I have received numerous reports about this systematic anomaly whereby PhilHealth members who have not availed of the COVID-19 testing benefit package are asked to provide their PhilHealth identification number,” ani Herrera.
“Once provided, a hospital or testing center then processes a reimbursement against that person’s PhilHealth account, and the money is pocketed by these unscrupulous individuals,” dagdag pa nito.
Inihalimbawa ng mambabatas ang karanasan ng kapatid na si Quezon City Councilor Bernard Herrera na muntik umanong nabiktima ng anomalya sa PhilHealth reimbursement scheme.
Ayon sa mambabatas, nakatanggap umano ng text message ang kanyang kapatid mula sa billing department ng isang ospital sa Pampanga na siyang nagproseso sa kanyang swab test para hingin ang kanyang PhilHealth number.
Tumanggi umano ang kapatid ng mambabatas na ibigay ang kanyang PhilHealth number dahil nagbayad na ito sa swab test at hindi nito in-avail ang PhilHealth testing benefit package.
“This is one hospital, out of so many that are capable of doing this. The magnitude of this anomalous scheme is beyond comprehension. This is so systemic, so complicated, that it cannot have been done without complicit actions of people within PhilHealth,” ani Herrera.
Dahil dito, nagpatawag ng panibagong imbestigasyon ang mambabatas dahil marami umano itong nakikitang anomalya sa PhilHealth COVID-19 test package na pinondohan ng P27 hanggang P29 billion para magsagawa ng 10.12 million COVID-19 test.
Ayon sa mambabatas, sa 10.12 million COVID-19 test na target gawin, 2.39% pa lamang umano ang naisasagawa subalit 9.6% na ang nagastos ng PhilHealth sa P27 hanggang P29 billion pondo.
Kailangan aniyang imbestigahan ito at tanggalan ng lisensya ang mga ospital na kasabwat ng mga sindikato sa PhilHealth.
IMBESTIGASYON
Samantala, kailangang maging maingat ang Task Force PhilHealth sa ginagawa nitong imbestigasyon hinggil sa umano’y overpriced purchase ng IT system na umabot ng P2 billion.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, kailangan na mayroong matibay na ebidensya at hindi lamang testimonya dahil madali aniyang magsalita.
“Alam mo, ‘yung pag-iimbestiga, at kung gusto mong maghabla ng mga taong sa tingin mo ay may kasalanan, kailangan mayroon kang ebidensya, hindi lamang testimonya, kasi madaling magsalita.
Kailangan ‘yun ay backed up by documents, paper trail. Kasi sasabihin mo, ‘yan sangkot ‘yan dito, iyan nagre-release ng ganito, kung salita lang, pero wala naman sa dokumento, wala sa papel, eh di-dismiss lang ‘yan ng hukuman,” ayon kay Sec. Panelo.
Sa ulat, kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) na target ng Task Force PhilHealth na maisumite sa Setyembre 14 ang report sa imbestigasyon hinggil sa PhilHealth controversy.
Ayon kay DOJ Spokesperson Usec Markk Perete, kakayanin ng task force na makaabot sa 30-araw deadline.
Dagdag ni Perete, partikular na binusisi ng task force ang mga claim na hindi napipigilan ng IT system ng PhilHealth ang fraud gayundin ang maliit na bilang ng mga kasong administratibo at kriminal na naihain laban sa mga tiwaling opisyal ng ahensiya. (BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE)
307
