Covid vaccines parating na PAGBABAKUNA AARANGKADA SA PEBRERO

KINUMPIRMA ni Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez na makapagsisimula na ang gobyerno na magbigay ng bakuna kontra COVID 19 sa susunod na buwan.

Sa pagdinig ng Senate Committee of the Whole, inihayag ni Galvez na maidedeliber na sa bansa ang bakuna sa unang linggo ng susunod na buwan.

Inihayag din ni Galvez sa pagdinig na karamihan sa bakuna na kanilang kukunin ay mula sa US drug maker na Novavax.

“Our main volumes will be coming from Novavax with 30 to 40 million doses,” saad ni Galvez.

Idinagdag ni Galvez na patuloy naman ang negosasyon sa Pfizer para sa dagdag na 40 million doses at sa Astrazeneca para sa 25 hanggang 30 million doses, habang sa Sinovac at Gamaleya ay may tig-25 million bawat isa.

“The main bulk of the vaccines that will be rolled out will be at the third quarter and fourth quarter of this year,” dugtong pa ni Galvez.

Aminado naman ang opisyal na posibleng makaranas ng shortfall sa bakuna ang bansa sa 2nd at third quarter ng 2022 dahil 80 percent ng global supply ng bakuna ay nakorner na ng mayayamang bansa.

30M BAKUNA
MULA SA INDIA

Kasado na ring magpadala ng 30 milyong doses ng Covovax ang kumpanya ng India.

Ayon kay Sec. Galvez, lumagda siya ng kasunduan sa Faberco Life Sciences, Inc. partner ng Serum Institute of India (SII), maker ng Covovax.

Hindi pa inaaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) ang Conovax.

Batay sa impormasyong inilabas sa media, ang SII ay nakipagtulungan sa Novavax ng United States.

Sinabi rin na ang Covovax ay mayroong “recombinant coronavirus spike protein nanoparticle and a Novavax-patented Matrix – M adjuvant to enhance the immune response and stimulate high levels of neutralizing antibodies”.

Sa kanyang presentation sa pagdinig ng Senado ay ipinakita ni Galvez na pangunahing prayoridad na mabigyan ng COVID-19 vaccine ang frontline health workers.

Kasunod nito ang mahihirap na senior citizen at ang nalalabi pang mahihirap na populasyon gayundin ang mga uniformed personnel na kinabibilangan ng mga miyembro ng Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Fire Protection (BFP) at Citizen Armed Force Geographical unit (CAFGU).

Ayon kay Galvez, ₱82.5 billion ang inilaan sa pagbili ng bakuna kung saan P70 billion ay mula sa foreign bilateral loans, habang ang P2.5 billion ay nakapaloob sa 2021 national budget at ang P10 billion ay pondong nasa ilalim ng Bayanihan 2. (DANG SAMSON-GARCIA/NELSON S. BADILLA)

92

Related posts

Leave a Comment