CRIME LAB SA MPD, TINUPOK NG APOY

lab

“HINDI nagsisinungaling ang ebidensiya”, ito ang binibigkas sa segment ng isang network, pero maaaring hindi na magamit ang ilan sa mga ito dahil tinupok ng apoy ang ilang dokumento sa tanggapan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa ground floor ng Manila Police District sa United Nations Avenue, Ermita Manila, nitong Huwebes ng umaga.

Nabatid na nagkaroon ng tensiyon sa iba’t ibang departamento nang sumiklab ang sunog bandang alas-9:45 ng umaga.

Ilang hazardous materials na nakaimbak sa Crime Laboratory ang umano’y pinagsimulan ng apoy.

Base sa ulat ng MPD-Tactical Operation Center, sa simula ay may lumabas na maitim na usok at masangsang na amoy mula sa MPD-Crime Lab hanggang sa mapansin na nasusunog na ito.

Ayon sa imbestigasyon ni Fire Insp. Luke Challongen ng Manila Fire Department ng Bureau of Fire Protection, dakong alas-10:15 ng umaga nang ideklarang fire under control ang insidente.

Wala naman umanong nasaktan sa mga naka-duty na pulis at hindi naman naapektuhan ang ilan sa nakaimbak na mga ebidensya. (RENE CRISOSTOMO)

166

Related posts

Leave a Comment