ITO ang inihayag ni Philippine National Police chief Police General Rodolfo Azurin Jr., kasunod ng ginanap nilang year-end command conference sa Camp Crame sa Quezon City
Ayon kay General Azurin, mas mababa ang antas ng krimen sa bansa ngayong 2022 kumpara noong nakaraang taon. At idinagdag ng heneral na mas mababa ang crime trend ngayong Disyembre kumpara sa nakalipas na mga buwan.
Resulta umano ito nang naging hakbang ng PNP na itaas sa 85 porsyento ang deployment ng mga pulis ngayong Christmas season sa pangunahing mga establisyemento, sa mga simbahan, malls, sa mga terminal, sa mga pier dahil kailangan ay nakikita ang presensiya ng ating mga pulis, lalong-lalo na ngayong Biyernes na mag-uumpisa na ang Simbang Gabi, dagdag pa ng opisyal.
Kaugnay nito, pinayuhan ng pulisya ang publiko na mag-ingat sa mga mall, simbahan at iba pang matataong lugar ngayong Pasko.
Tiniyak pa ni Gen. Azurin na hindi magpapahinga ang mga pulis para matiyak na ligtas ang mamamayan habang abala sa pamimili ngayong papalapit na ang araw ng Pasko at Bagong Taon.
“Sa review natin kahapon, during our command conference, pababa naman nang pababa ang krimen dito sa buong Pilipinas. Nakapagtala tayo ng halos 1,000 na pagbaba ng krimen compared last year from January to December 9,” ani Azurin.
“So in Luzon, bumaba ng 1.24 ang crime incident natin, pinakamataas ang pagbaba sa Visayas, which is 6 percent and 3 percent naman sa Mindanao, and then ang karamihan nga po ng krimen na nangyayari, especially sa index crime, ‘yun pong theft po talaga.”
Ayon kay Azurin, naging talamak sa Metro Manila ang nakawan ng cellphone at iba pang petty crimes na siyang trend tuwing sasapit ang Christmas season kaya pinaigting niya ang alerto ng mga pulis sa mga lansangan. (JESSE KABEL RUIZ)
