(NI ABBY MENDOZA)
UMAAPELA si Agriculture Secretary William Dar sa mga hog raisers na makipagtulungan sa pamahalaan para hindi na kumalat pa ang African Swine Flu(ASF) at kapalit nito ay tulong naman ng gobyerno sa kanila.
Ayon kay Dar, hindi na kakalat pa ang ASF kung magiging responsable ang mga nag-aalaga ng baboy na agad ipaalam sa DA ang kalagayan ng kanilang baboy at tutulong sa maayos na disposal ng may sakit na alaga sa halip na paanurin sa ilog.
“We are again requesting lahat po ng nag-aalaga ng baboy, ‘wag na katayin ‘yung mga baboy na ‘yan. Ikakalat lang natin itong sakit na ito. Makipagtulungan na po kayo sa gobyerno para maprotektahan natin itong P260 billion worth of hog industry,”apela ni Dar.
Kung hindi umano makikipagtulungan at patuloy na makikipagmatigasan ang mga hog raisers sa pamamagitan ng pagtatakip sa kalagayan ng kanilang mga baboy ay mas tatagal at kakalat amg problema.
Inihalimbawa nito ang kaso sa Guiguinto Bulacan na ASF-free na dahil sa pakikipagtulungan ng mga hog raisers habang malapit na din umanong matugunan ang problema sa Rizal.
Bilang tulong umano ng pamahalaan sa mga hog raisers na naapektuhan ng ASF ay P3,000 bayad sa bawat baboy na kukumpiskahin dahil sa kaso ng ASF at P30,000 na loan na maaaring bayaran sa loob ng 3 taon nang walang tubo upang makapagsimula muli sa pag-aalaga.
