HINDI bababa sa P378.4 bilyon ang nalikom ng gobyerno mula sa buwis at taripa ng mga inangkat na langis sa ilalim ng fuel-marking program ng Bureau of Customs (BOC) kaugnay ng inilunsad na kampanya ng pamahalaan laban sa oil smuggling.
Ayon kay Department of Finance (DOF) Secretary Carlos Dominguez, higit pa sa nasabing halagang nalikom ng pamahalaan mula Setyembre 2019 hanggang Pebrero ng kasalukuyang taon ang kayang isampa ng BOC sa napipintong paglulunsad ng sistema ng kawanihan bago pa man sumapit ang takdang panahon inilatag ng kagawaran para sa implementasyon ng full automation ng naturang ahensya.
Sa ilalim ng fuel-marking program ng BOC, nasa 37.6 bilyong litro ang ininspeksyon, sinuri at kinulayan gamit ang isang chemical additive na nagsisilbing patunay na angkop ang ibinayad na buwis ng ibinebentang produktong petrolyo sa merkado.
Sa ulat-imbentaryo ng nasabing programa, lumalabas na bayad at markado na ang nasa 22.8 bilyong litro ng krudo, 14.5 bilyong litro ng gasolina, at 197.2 millyong litro ng kerosene na ibinebenta sa mga industriya at motorista sa iba’t ibang panig ng bansa.
Sa nasabing datos, pinakamalaki ang antas ng mga minarkahan sa Luzon na nagtala ng 27.6 bilyong litro, habang 7.9 bilyong litro naman sa Visayas at 2.1 bilyong litro ng mga produktong petrolyo sa bahagi ng Mindanao.
Binigyang pagkilala naman ng DOF at BOC ang pakikipagtulungan ng 27 kumpanya ng langis sa fuel-marking ng gobyerno – ang Petron, Shell, Unioil,
Insular Oil, Seaoil, Phoenix, Chevron, Filoil, Jetti at iba pa. Nakapagtala ng pinakamataas ang antas ng markadong produktong petrolyo – 9.1 bilyong litro – ang kumpanyang Petron.
Ang polisiyang fuel-marking program ng gobyerno ay binalangkas at ipinatutupad simula 2018 bilang mekanismo kontra oil smuggling.
209
