SA hangarin na tuluyang mapuksa ang mga sindikato sa likod ng online sexual abuse and exploitation sa hanay ng mga kabataan, dagdag-pondo ang hirit ng isang mambabatas sa pamahalaan para matustusan ang implementasyon ng mga angkop na estratehiyang magbibigay proteksyon sa tinaguriang ‘millennials.’
Para kay Rizal 4th district Rep. Fidel Nograles, hindi dapat ipagwalang bahala ng pamahalaan ang banta sa kinabukasan ng mga tinawag niyang ‘pag-asa ng bayan’ – bagay na aniya’y matutugunan lamang kung may sapat na pondong paghuhugutan.
“We have already come up with the law. Now we have to cough up the needed resources to ensure that we successfully implement the law and fully realize its intent,” ani Nograles na kabilang sa mga kongresistang agresibong nagsulong para ganap na maging batas ang Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children at Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials Act.
Partikular na tinukoy ni Nograles ang pinakahuling ulat ng US State Department kaugnay ng kalagayan ng human rights sa bansa.
Ayon sa naturang report, nananatiling banta ang online sexual abuse at exploitation sa hanay ng mga kabataang Pinoy bunsod ng kawalan ng pagkukunan ng pondong kailangan sa pagpapatupad ng mga nabanggit na batas na nagbibigay-proteksyon sa mga menor de edad.
“Inadequate prosecutorial resources and capacity to analyze alleged abusers’ computers for evidence,” saad sa isang bahagi ng isinapublikong resulta ng pag-aaral ng US State Department.
“Despite the penalties and enforcement efforts, law enforcement agencies and NGOs agreed that criminals and family members continued to use minors in the production of pornography and in cybersex activities,” nakasaad din sa naturang ulat.
Ayon kay Nograles, bagamat binalangkas ang Republic Act 11930 (OSAEC Law) at Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials Act bilang tugon sa pagtaas ng insidente ng sexual exploitation sa hirap ng buhay na dulot ng kawalan ng trabaho noong kasagsagan ng pandemya, nananatiling hamon ang pananatili ng problema sa kabila pa ng pagbubukas ng ekonomiya.
Nababahala rin ang batang kongresista sa inilabas na datos ng Cybercrime Division sa ilalim ng Department of Justice (DOJ), kung saan lumalabas na lumobo sa 2.8 milyon ang online sexual abuse and exploitation noong 2021 mula sa 1.2 milyon na naitala noong 2020 at 400,000 noong 2019.
Paniwala ni Nograles, hindi sapat ang batas, kasabay ng diin sa bentahe ng implementasyon.
“Just like the report states, the threat is still present, and we have a long way to go to save our children from this sordid practice,” aniya pa.
“Magtulungan po sana tayo, pondohan po natin ang adhikain na ito para sa kapakanan ng ating kabataan,” pahabol pa ng Kinatawan sa Kamara ng Montalban.
