DAHIL natukoy na may dalawang kaso ng kinatatakutang Delta variant, iniutos ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na muling ipagbawal ang home quarantine sa mga indibidwal na kinakitaan ng mga sintomas ng COVID-19 at maging ng mga asymptomatic upang mapigilan ang posibleng pagkalat nito.
Umapela ng suporta at pakikipagtulungan si Moreno sa mga apektadong residente at sinabing hindi siya magdadalawang-isip na pairalin ang batas sa mga tatanggi at ipipilit na mag-home quarantine dahil kaligtasan ng mas nakararami ang nakataya rito.
Nabatid kay Moreno, binigyan nito ng direktiba si Dr. Ed Santos, assistant chief ng Manila Health Department, na hanapin ang lahat ng mga asymptomatic na pasyente na kasalukuyang naka-home quarantine at sunduin upang maisailalim sa pagsusuri kung sila ay may Delta variant at upang malapatan ng lunas sa Manila COVID-19 Field Hospital sa ilalim ni Dr. Arlene Dominguez.
Sa pagkakataong ito ay hiniling ni Moreno ang pakikipagtulungan ng publiko dahil aniya ngayon ay kailangang-kailangan na pairalin ang disiplina lalo’t nakapasok na ang ang Delta variant sa lungsod at upang mapigilan ang pagkalat pa nito.
Ang nasabing variant ay mas nakahahawa, mas mabilis na kumalat at mas nakamamatay kaysa ordinaryong COVID-19.
Bagama’t pinapayagan noon ng MHD ang mga pasyenteng asymptomatic na mag-home quarantine basta’t ito ay duly verified at may espasyo sa kanilang bahay kung saan puwedeng mag-isolate, ngayon ay hindi na ito pinapayagan.
“Kayo ay gagaling sa MCFH kung saan fully-air conditioned, may oxygen, may pagkain, communication equipment, TV at wifi. We will make it more comfortable for you. We cannot take chances. Maige na ang maagap. Aagapan natin ‘yung numero,” sabi ni Moreno na sinisigurado sa mga pasyenteng sila ay gagaling dahil professional medical practitioners ang mag-aalaga sa kanila.
Para sa kaalaman ng lahat, sinabi ng alkalde, na bago pa siya naimpormahan ay may tatlong linggo na ang kaso ng Delta variant sa Maynila.
Iminungkahi ng Department of Health (DOH) na magsagawa ng contact tracing ang lungsod na kaagad namang ginawa ng pamahalaang lokal.
Isinailalim din sa pagsusuri ang pamilya ng dalawang Delta variant positive at napag-alaman na negatibo ang mga ito sa COVID-19.
Tumawag na rin ng emergency meeting sa hospital directors, kinauukulang departamento at tanggapan upang pag-usapan ang problema at makagawa ng mga paunang hakbang upang mapigilan ang pagkalat ng naturang sakit. (RENE CRISOSTOMO)
