HINIHINALANG nalunod sa baha sa kasagsagan ng malakas na buhos ng ulan noong Linggo ng gabi ang natagpuang bangkay ng isang dalagita sa San Francisco River sa Quezon City kahapon ng madaling araw.
Inilarawan ang biktimang nasa edad 15-18, may taas na 5″0′, payat, nakasuot ng pulang t-shirt at short pants na may nakasulat na Sponge Bob.
Ayon sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang alas-3:00 kahapon ng madaling araw nang matagpuan ang bangkay ng biktima na palutang-lutang sa San Francisco River sa Lorraine St., Parkway Subdivision, Brgy. Apolonio Samson, ng nasabing lungsod.
Nabatid sa imbestigasyon ni P/SSgt. George Caculba, dahil sa lakas ng ulan ay umapaw ang San Francisco River na naging sanhi ng pagbaha sa nasabing lugar.
Nang humupa ang baha, natagpuan ng isang nangangalakal na si Samuel Balatong ang bangkay ng biktima sa nasabing ilog.
Ayon naman sa barangay officials sa lugar, hindi residente sa kanilang barangay ang babae dahil walang nakakakilala rito at posible umanong inanod lamang ito mula sa ibang lugar. (LILY REYES)
