DALAWANG BERSIYON SA NAUDLOT NA KUDETA SA SENADO

RAPIDO ni PATRICK TULFO

NAGKAROON ng panandaliang kudeta kahapon sa Senado at naupo saglit bilang Senate President si Sen. Loren Legarda.

Ayon sa ating source, nag-ugat ito sa ilalabas na report ng Blue Ribbon Committee na may kinalaman sa anomalya sa flood control kung saan dawit ang tatlo nilang kasamahan. Humingi raw ng tulong ang tatlo sa mga kasamahan dahil masyado naman daw nadikdik ang mga ito sa naturang committee report na ilalabas pa lang.

May dalawang bersiyon ang nangyaring kudeta kahapon, ang isa ay nilapitan daw ng minorya si Sen. Legarda upang alukin na palitan si kasalukuyang Senate President Tito Sotto III. Samantalang sa kabilang banda naman ay si Sen. Loren Legarda daw ang lumapit naman sa minorya para humiling ng suporta sa mga ito na mapalitan si Sotto.

Mukhang mas may bigat ang ikalawang bersiyon ng kuwento lalo na’t mukhang pinag-iinitan ng Malacañang ang anak ng senadora ngayon na si Cong. Leandro Leviste, dahil sa mga rebelasyon nito sa flood control issue na base sa tinawag nitong Cabral files na hango naman sa records na hawak ng nasirang usec. ng DPWH na si Cathy Cabral.

Hindi lang naging matagumpay ang tangkang pagpapalit ng liderato dahil hindi raw sumang-ayon ang ilang senador sa hiling ng minorya na ibalik bilang Blue Ribbon Committee chairman ang isang miyembro nito na si Sen. Rodante Marcoleta.

Nagpapakita lang na hindi popular ngayon si Sen.Marcoleta sa kanilang hanay dahil siya ang dahilan ng pag-atras ng ilang mga senador sa pagsama sa naturang kudeta.

Mahilig kasing umepal itong si Sen. Marcoleta sa mga usapin na sa aking opinyon ay dapat nanahimik na lang ito. Katulad ng panibagong mga debate sa isyu ng ating teritoryo sa West Phil. Sea kung saan sinuportahan ng karamihan ng mga senador si PCG spokesperson Commodore Jay Tarriela sa mga pahayag nito laban sa China.

67

Related posts

Leave a Comment