OFW JUAN ni DR. CHIE LEAGUE UMANDAP
HUMIHINGI ng agarang tulong at atensyon ang isang overseas Filipino worker (OFW) na si Narbasa Rame Bael, isang domestic worker na kasalukuyang nagtatrabaho sa Saudi Arabia, matapos isiwalat ang umano’y matinding pisikal na pang-aabuso, labis na trabaho, kakulangan sa pagkain, at kawalan ng pahinga na kanyang nararanasan mula sa kanyang amo.
Si Narbasa, na inaasahang breadwinner ng kanyang pamilya sa Lanao del Norte, ay naka-deploy sa pamamagitan ng Non-Stop Overseas Employment Corp. bilang lokal na ahensya, at ng Snood Recruitment Company bilang foreign agency.
Ayon sa salaysay na ipinaabot sa OFW JUAN, mariing isinalaysay ni Narbasa na siya ay binubugbog ng kanyang amo. Sa isa umanong insidente, siya ay nahimatay dahil sa sobrang pagod at panghihina, ngunit sa halip na tulungan, siya raw ay binuhusan lamang ng tubig upang magising at piliting magtrabahong muli.
Bukod dito, iginiit niya na siya ay kulang sa tulog at pagkain, patuloy na pinagtatrabaho nang walang sapat na pahinga, at walang konsiderasyon sa kanyang kalusugan at dignidad bilang manggagawa at tao.
Lalong ikinababahala ng pamilya ni Narbasa na hindi na siya makontak sa kasalukuyan. Huling mensahe umano ni Narbasa sa kanyang ina na si Yame Narbasa, ay kinuha ng kanyang amo ang kanyang cellphone, dahilan upang tuluyang mawalan ng komunikasyon ang biktima sa labas.
Ang kanyang ina ay labis na nag-aalala at nananawagan ng tulong sa mga kinauukulang ahensya.
Nagpahayag din ng pagkadismaya sa Non-Stop Overseas Employment Agency ang pamilya dahil ayaw ng ahensya na makipag-ugnayan sa kanila. Diumano ay pinapatayan sila ng telepono sa tuwing tumatawag sila sa ahensya upang mag-follow-up.
Ang naturang kaso ay malinaw na may kinalaman sa physical abuse, overwork, at deprivation of basic needs, na malinaw na paglabag sa karapatan ng isang OFW. Dahil dito, mariing hinihiling ng pamilya at ng OFW JUAN ang agarang repatriation ni Narbasa upang siya ay mailigtas sa mapanganib na sitwasyon at mabigyan ng kaukulang tulong medikal, legal, at psychosocial.
Nanawagan ang OFW JUAN sa MWO-OWWA Saudi Arabia, DFA, at Department of Migrant Workers (DMW) na agarang imbestigahan ang kaso, tiyakin ang kaligtasan ng biktima, at papanagutin ang mga responsable—maging ang employer at mga ahensyang may kapabayaan.
Ang sinapit ni Narbasa Rame Bael ay muling paalala na patuloy pa ring may mga OFW na biktima ng pang-aabuso sa ibayong-dagat. Hindi sila dapat manatiling tahimik, at higit sa lahat, hindi sila nag-iisa. Ang OFW JUAN ay patuloy na maninindigan para sa karapatan, dignidad, at kaligtasan ng bawat manggagawang Pilipino sa buong mundo.
76 