HALOS mabura sa mapa ang ilang bahagi ng bansa dahil sa mga pagbaha na dulot ng sunod-sunod na pagragasa ng malalakas na bagyo.
Nagsimula ang malalakas na pag-ulan mula Mindanao, Visayas hanggang Batanes nang magsunod-sunod na tumama ang mga Bagyong Rolly, Siony at ang pinakahuli na pinakamalawak ang sakop ay ang Ulysses.
Bagamat hindi masyadong binayo ng Bagyong Rolly ang Mindanao ay matindi naman nitong binayo ang Catanduanes, Albay at iba pang bahagi ng Bicol.
Sinalanta rin ng Bagyong Rolly ang lalawigan ng Quezon, Batangas, Laguna, Cavite at ilang bahagi ng Metro Manila.
Ang Bagyong Rolly na umabot ng typhoon signal no.4 dahil sa sobrang lakas ay halos naging sanhi upang halos mabura sa mapa ang Kabikulan.
Kaya naman ang mga residente ay back to zero dahil sa pagkawasak ng kanilang mga tahanan.
Hindi pa man sila nakakabangon ay may kasunod nang Bagyong Siony, subalit hindi masyadong nakaapekto sa bansa maliban sa mga pag-ulan.
Ilang araw lang ay muling dumating ang Bagyong Ulysses na muling dinaanan nito ang Kabikulan na nagdulot ng malalakas na pag-ulan.
Bagamat umabot lang ng typhoon signal no. 3 si Ulysses ay napakaraming dalang ulan nito sa ilang bahagi ng Mindanao, Bicol Regions, CALABARZON, Metro Manila, Rizal, Central Luzon,
Cordillera Administrative Region (CAR) hanggang umabot sa mga lalawigan ng Cagayan at Isabela.
May mga lugar din na dating hindi binabaha ay nakakaranas na rin ng mga pagtaas ng tubig na labis ipinagtataka ng mga residente partikular sa Bulacan.
May mga isyu na ang pagbaha raw sa Cagayan at Isabela ay ang pagpakawala ng tubig mula sa Magat Dam na dumaloy sa mga bayan na nasasakop ng dalawang lalawigan.
Kaya naman may planong imbestigahan ang pamunuan ng mga nangangasiwa ng Magat Dam kung ang kanilang pagbubukas ng spillway gates ay base sa umiiral na panuntunan at protocol.
May nagsasabi na ang dahilan ng pagbaha ay ang pagkasira ng kabugatan dahil sa illegal logging at mining.
Mayroon din nagsasabi na dahil sa global climate change ang dahilan kaya sobrang lalakas ng bagyong pumapasok sa Pilipinas na nagmumula sa Eastern part ng bansa (Pacific Ocean).
May isasagawang imbestigasyon para malaman kung sino ang dapat sisihin sa matinding dulot ni Ulysses sa mga tao.
May managot naman kaya at lalabas ba ang katotohanan kung sino ang may kasalanan?, tanong ng ilang tagasubaybay ng PUNA.
Hindi po lingid sa kaalaman sa mga Pinoy kung sino ang nagpasasa sa mga kagubatan (illegal loggers) ng Pilipinas mula noon hanggang ngayon.
Mula sa kahoy hanggang sa pagmimina ng ibat-ibang mineral sa mga kabundukan ng bansa ay sila pa rin ang nakikinabang hanggang sa kasalukuyan.
Kung magiging makatotohanan lang sana ang isasagawang imbestigasyon at mapaparusahan ang nagkasala baka hindi na maulit ang matinding epekto ng matinding pagbaha.
Maraming buhay at bilyun-bilyong pisong ari-arian ang nawawala tuwing may malakas na bagyo na tumatama sa bansa.
Kahit na malakas at maraming dalang ulan ang bagyo na dumarating sa bansa basta’t may mga puno na sisipsip ng mga tubig baha sa kabundukan ay hindi masyadong magbabaha sa mababang parte ng bansa.
Kaya kung magiging papogi lang ang isasagawang imbestigasyon at walang mapapanagot sa mga nagkasala ay hindi matutuldukan ang mga malawakang pagbaha.
Imagine 20 bagyo taun-taon ang posibleng pumasok sa bansa at kung hindi masosolusyunan ang problema sa mga pagbaha ay mananatili itong pahirap sa sambayanang Pinoy.
Hindi tayo makakausad at lagi tayong magsisimula sa una.
Tulong-tulong po tayo para sa ikabubuti nating lahat, God Bless Us!
Para sa suhestiyon at reaksyong mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com.
