DAPAT NANG PALAYASIN ANG POGO

PUNA ni JOEL O. AMONGO

KUNG wala namang naiaambag na mabuti sa gobyerno at sa taumbayan ang Philippine Offshore Gaming Operators o POGO ay dapat palayasin na ang mga ito sa bansa.

Sinasabi nila na malaki raw ang naiaambag sa ekonomiya ng bansa ang POGO dahil sa ibinabayad nitong buwis sa kaban ng bayan.

Kung may malaking ambag nito sa ekonomiya ng bansa, pero kung mas malaki naman ang perwisyo na dulot nito, bakit natin panghihinayangan na mawala ang mga ito?

Base sa natanggap nating impormasyon, maraming iba’t ibang kalokohan ang nangyayari sa mga POGO.

Nariyan ang human trafficking, kidnapping, prostitutions, gambling at iba pa.

Bukod pa riyan, karamihan sa mga trabahante nito ay hindi naman mga Pinoy kundi pawang Chinese nationals na minsan ay pinagdududahan pang mga miyembro ng People’s Liberation Army (PLA) na nagtatrabaho sa POGO, matapos matagpuan ang iba’t ibang uniporme ng mga sundalo ng China sa isinagawang pagsalakay ng mga awtoridad kamakailan.

Nariyan din ang pagkakasangkot ng pangalan ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa operasyon ng POGO sa Bamban, Tarlac at Porac, Pampanga, kung saan nakita ang nasabing mga uniporme ng PLA.

Sa pinakahuling natanggap nating impormasyon, inaprubahan na ng Senado ang pagpapalayas sa mga POGO.

Nakakuha ng suporta mula sa mga senador ang committee report ng isinagawang imbestigasyon ng komite kaugnay sa pakinabang at perwisyo na dulot ng POGOs sa Pilipinas.

Sa Committee Report no. 136, umapela ang komite sa executive department na agad tugunan ang rekomendasyon ng Senado sa pamamagitan ng agarang pagpapatigil sa operasyon ng lahat ng mga POGO.

Inaatasan din ang Department of Labor and Employment (DOLE) na hanapan ng alternatibong trabaho ang mga Pilipino na maaapektuhan at mawawalan ng trabaho sa POGO.

Pinakakansela naman sa Bureau of Immigration (BI) at pinababawi ang working visa na unang inisyu sa mga dayuhang nagtatrabaho sa POGO industry at agad ipatupad sa kanila ang deportasyon. Hala, layas!

Ayon kay Senate Ways and Means Committee Chairman Sen. Sherwin Gatchalian, ang rekomendasyon ng komite ay isang mahalagang hakbang para mapigilan ang paglaganap ng mga krimeng nagmumula sa ilang kumpanya ng POGO.

Hindi dapat panghinayangan ng gobyerno ang mga POGO na ito kung ‘di naman ito nakabubuti sa mga Pilipino.

oOo

Para sa sumbong at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

505

Related posts

Leave a Comment