HINDI MAKATWIRANG REQUIREMENTS SA JOB APPLICANTS

GEN Z TALKS ni LEA BAJASAN

NAGING usap-usapan sa X ang pagkarami-raming kailangan na requirements sa tuwing maghahanap ng trabaho.

Base sa isang post ng isang netizen, inilista niya ang mga hinihingi ng mga employer sa Pilipinas at inihambing ito sa Amerika.

Heto ang ilan sa mga kinakailangan ng Pilipinong employer: NBI Clearance, Police Clearance, Barangay Clearance, TOR, Diploma, TIN ID, PAG-IBIG, PhilHealth, Medical, at Passport.

Samantalang sa America naman daw ay SSN at State ID o Driver’s License lang ang kailangan. Umani ng samu’t saring komento ang post.

Sa US daw kasi, iyong kompanya na ang gumagawa ng mga pagsusuri sa background ng naghahanap ng trabaho na kikilatisin, hindi lamang kung mayroon kang mga kriminal na rekord kundi titingnan din kung maganda ang iyong kredito.

Sila na ang nagpapakahirap na umasikaso at wala nang kailangang gawin ang mga aplikante.

Ang SSN o Social Security Number ay ang tiket nila sa lahat doon. Pipindutin lang nila ang iyong mga numero sa isang kompyuter, malalaman nila ang lahat ng nagawa mo sa iyong buhay.

Walang ganyan dito sa ating bansa, kung saan gumagamit pa rin ang iba ng logbooks para sa ibang bagay.

Karamihan kasi sa mga kumpanya dito sa Pilipinas ay nangangailangan ng maraming requirements, kahit na hindi kinakailangan para sa trabaho na inaaplayan.

Ang mga employer ay nagtatakda ng mga kinakailangan na kung hindi man may diskriminasyon ay hindi makatwiran bilang isang paraan upang maging kwalipikado ang mga aplikante.

Tapos sa panahon ng interview, nagtatanong sila ng mga philosophical na katanungan na pang Miss Universe.

Dapat pa may pleasing na personalidad, bachelor’s degree, maraming taon ng experience, at age limit. Sa huli, ang sweldo naman ay minimum lang.

Napakataas ng standards sa Pilipinas pagdating sa job applications, at iyon ang isa sa mga dahilan kung bakit pinipili ng maraming Pilipino na maging overseas Filipino workers (OFW) o magtrabaho sa ibang bansa.

Nais kong irekomenda na dapat ay bawasan ng mga kumpanya ang kanilang mga kinakailangan sa trabaho at mas tumutok sa mga kasanayan na kailangan ng isang tao upang punan ang isang posisyon sa trabaho.

Ang pagtugon sa hindi makatwirang mga kinakailangan sa trabaho sa Pilipinas ay isang wastong alalahanin. Maaaring may mga ilan na sumasang-ayon sa mga kinakailangan sa trabahong ito.

Sa tingin nila, tama lang na magkaroon ng mataas na pamantayan para sa mga aplikasyon ng trabaho upang ang empleyado ay maging mas mapagkumpitensya at makita kung sino talaga ang karapat-dapat na makakuha ng trabaho.

Gaya ng nasabi ko na, kailangan at mahalaga ang mga requirement para sa pag-a-apply ng trabaho, ngunit ang mga kinakailangan sa trabaho ay dapat na makatwiran at talagang kailangan para sa kanilang inaaplayan.

Para sa akin, lahat ay nararapat mabigyan ng pagkakataong makakuha ng trabaho, anoman ang kanilang edad, taas, kasarian, antas ng edukasyon, at karanasan.

206

Related posts

Leave a Comment