DAR NAMAHAGI NG KAGAMITANG PANSAKA SA CATANDUANES

NAGKALOOB ang Department of Agrarian Reform (DAR) ng mga kagamitang pansaka upang palakasin ang produksyon ng gulay sa Pandan, Catanduanes.

Kabilang sa ipinamahagi ang isang hand tractor at water pump unit sa Lumabao Aksyon sa Kasaganaan Asosasyon Inc. (LAKAS), isang agrarian reform beneficiary organization.

Ayon sa DAR, ang dalawang farm machinery and equipment na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱140,000 ay makatutulong sa mas mabilis na paghahanda ng lupa at sa pagtitiyak ng sapat na suplay ng tubig para sa mga pananim.

Isinagawa ang pamamahagi sa ilalim ng Sustainable Livelihood Support component ng Climate-Resilient Farm Productivity Support (CRFPS) project, na naglalayong palakasin ang kabuhayan ng mga magsasaka at ihanda sila sa epekto ng climate change.

Kasabay ng turnover, sumailalim din sa technical training ang mga miyembro ng asosasyon hinggil sa tamang paggamit at pagpapanatili ng mga makinarya upang matiyak ang epektibong paggamit nito.

Sinabi ng DAR na patuloy nitong isinusulong ang pagbibigay ng farm support services at makabagong kagamitan upang mapataas ang produksyon at kita ng mga agrarian reform beneficiaries.

Layunin ng CRFPS program, sa pamamagitan ng Program Beneficiaries Development Division, na palakasin ang sustainable vegetable production lalo na sa mga lugar na madalas maapektuhan ng kalamidad at pabago-bagong klima.

(PAOLO SANTOS)

54

Related posts

Leave a Comment