SUMUKO sa pulisya ang isang dating mambabatas na nahaharap sa apat na warrant of arrest na inilabas ng Sandiganbayan kaugnay ng mga kasong graft at malversation of public funds.
Sa inilabas na pahayag ng Philippine National Police (PNP), kinilala ang dating mambabatas sa alyas na “Boss.”
Pinangasiwaan ng Lebak Municipal Police Station ang pagsuko nito sa koordinasyon ng Sultan Kudarat Police Provincial Office at General Santos City Police Office.
Ang apat na warrant of arrest ay may kaugnayan sa umano’y paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Article 217 ng Revised Penal Code na tumutukoy sa malversation of public funds o paglustay sa pondo ng pamahalaan.
Ayon sa PNP, ipinaliwanag sa dating mambabatas ang mga kasong kinakaharap nito, ang dahilan ng pagkakaloob ng mga warrant of arrest at ang kanyang mga karapatan.
Binigyang-diin ni PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. na tungkulin ng pulisya na ipatupad ang mga kautusan ng korte anuman ang pagkakakilanlan o dating posisyon ng isang indibidwal.
Sinabi rin ni Nartatez na dapat gampanan ng mga pulis ang kanilang tungkulin nang patas at propesyonal, habang iginagalang ang karapatan ng bawat isa.
(TOTO NABAJA)
40 