WALANG malaking nakakapuwing. Ito ang patutunayan ng team Philippines sa pagharap nila kay world No. 6 Stefanos Tsitsipas at team Greece sa Davis Cup World Group II playoff tie sa Philippine Columbian Association (PCA) Plaza Dilao courts sa Paco, Manila simulang ngayong araw hanggang bukas (March 6-7).
Napili ng national team na humarap kontra Tsitsipas ang 20-anyos na si AJ Lim sa alas-10 ng umaga, habang si Jeson Patrombon ang makakatapat ng nakababatang Tsitsipas na si Petros.
Si Tsitsipas ay kagagaling lang sa masaklap na pagkatalo kay Novak Djokovic sa Dubai tourney noong nakaraang linggo.
Bagamat walang world ranking, natalo na ni Lim si Tsitsipas sa doubles tournament noong naglalaro pa sila sa juniors division.
Ngunit sa loob lang ng ilang taon ay nagawa ng 21-anyos na si Tsitsipas na manalo ng apat na major titles na naging daan upang makapasok siya sa Top 10 tennis players sa buong mundo.
Sa kabila ng kanyang tagumpay ay ayaw pa rin magkumpiyansa ni Tsitsipas laban kay Lim.
“We’ll just take it match by match,” sabi ng 6 foot 4 na Greek patungkol sa makakalabang 5 foot 7 na si Lim.
Sina Francis Casey Alcantara at Ruben Gonzales ang magpapares at makikipagtapatan kina Petros at Markos Kalovelonis sa doubles match bukas.
Pagkatapos ay isasagawa ang reverse singles sa pagitan nina Lim at Patrombon at magkapatid na Tsitsipas. (ANN ENCARNACION)
