BINANATAN ni Senate President Pro-Tempore Ralph Recto ang Department of Budget and Management (DBM) sa mabagal na paggastos ng pamahalaan o underspending kaya bahagyang umurong ang paglago ng ekonomiya sa ikatlong bahagi ng taon.
Sa ginanap na deliberasyon ng badyet, sinabi ni Recto na umurong sa 11.5% ang ekonomiya sa third quarter ng taon na nagtapos noong Setyembre.
Ayon kay Senador Sonny Angara, chairman ng Senate committee on finance na umabot lamang sa P3.022 trilyon ang nagastos ng pamahalaan sa P4.1 trilyong programmed fund para sa 2020 nitong Setyembre 20.
“Kabilang dito ang P386.1 bilyon sa Bayanihan to Heal as One fund para sa pagtugon sa COVID-19,” ayon kay Angara.
“No wonder why we contracted 11.5% in the third quarter. We are underspending,” tugon naman ni Recto.
Idinagdag pa ni Angara na aabot lamang sa P82.4 bilyon mula sa P140 bilyon na regular funds sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2 ang naipalabas ng Department of Budget and Management.
“Even with regard to Bayanihan 2, there’s still a shortfall in spending,” giit ni Recto.
“It might appear so,” sagot ni Angara.
Matapos kilalanin ang pag-amin ni National Economic and Development Authority Acting Secretary Karl Chua na mas mahusay na nakagawa sana ang pamahalaan kung sinunod ang original budget, tinanong ni Recto na kung may hakbangin na isinasagawa ang gobyerno upang mapigilan ang pagbagsak ng ekonomiya sa huling yugto ng taon.
Umaasa si Recto na bibilisan ng executive department ang pagpapalabas ng natitirang calamity funds dahil maraming mamamayan ang nawalan ng trabaho, nagkasakit sanhi ng pandemya at nawalan ng tahanan na hindi na makapaghihintay pa hanggang Enero upang matulungan. (ESTONG REYES)
