INAPRUBAHAN ng Department of Budget and Management (DBM) ang paglikha ng kabuuang 26,711 posisyon para sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) bilang bahagi ng hakbang na palakasin ang workforce na nagpapatupad ng mga pangunahing social protection program ng pamahalaan.
Ayon sa DBM, kabilang sa mga inaprubahang posisyon ang 5,711 regular at permanenteng posisyon, kung saan 5,703 ang ilalaan para sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Kabilang dito ang pagtatatag ng isang 4Ps Bureau sa Central Office at 4Ps Division sa 17 regional offices ng bansa upang maging permanente ang plantilla ng mga empleyadong nagpapatupad ng programa.
Mayroon ding walong regular na posisyon para sa Human Resource, Financial, at Social Marketing Services.
Bukod dito, 20,686 contractual positions ang inilaan para sa mga kwalipikadong Contract of Service (COS) at Job Order (JO) workers na nagsilbi sa 4Ps mula 2014 hanggang 2025.
Ayon kay DBM Acting Secretary Kim Robert C. De Leon, mahalaga ang sapat at matatag na workforce upang matiyak ang tuloy-tuloy na paghahatid ng serbisyo sa mga benepisyaryo.
“Behind every government program are people doing the actual work—assisting families, monitoring beneficiaries, resolving concerns, and making sure services reach communities. Strengthening DSWD’s workforce means strengthening the government’s capacity to deliver help where and when it is needed,” ani De Leon.
Mayroon ding karagdagang contractual positions para sa iba pang programa ng DSWD, kabilang ang 160 posisyon para sa KALAHI-CIDSS, 75 para sa Supplementary Feeding Program, 70 para sa Pag-Abot Program, at 43 para sa Enhanced Partnership Against Hunger and Poverty Program.
Binigyang-diin ni DBM Acting Secretary Kim Robert C. De Leon na hindi lamang mapalalakas ng hakbang ang pagpapatupad ng mga programa kundi makapagbibigay rin ito ng mas malinaw na career opportunities at higit na job stability sa mga frontline worker ng pamahalaan.
“Ang social protection ay hindi lang tungkol sa pondong inilalabas ng gobyerno. Kailangan din natin ng sapat, stable, at professional na workforce na direktang nagsisilbi sa ating mga kababayan,” pahayag ni De Leon.
“For 4Ps alone, we have approved 5,703 regular positions. This means a stronger organization on the ground and clearer career opportunities for qualified personnel who have long been doing the work. We are strengthening not only the program, but also the people behind it,” sabi pa ng opisyal.
(JESSE RUIZ)
119 