MULI na namang nakaranas ng insidente ang mga tauhan ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS) matapos banggain ng China Coast Guard (CCG) vessel 21585 ang BFAR vessel na BRP Datu Magat Salamat habang nagsasagawa ito ng fuel subsidy mission para sa mga Pilipinong mangingisda.
Ayon sa ulat na natanggap ng Philippine Coast Guard (PCG), dalawang beses hinarang ng CCG vessel ang BRP Datu Magat Salamat bago ito tuluyang tumama sa portside o kaliwang bahagi ng barko bandang alas-11:13 ng umaga.
Nasira ang ilang bahagi ng BRP Datu Magat Salamat, kabilang ang mga railing, metal support structure at iba pang kagamitan.
Naganap ang sea collision sa loob umano ng Philippine exclusive economic zone (EEZ), malapit sa Abad Santos Shoal at tinatayang 54 nautical miles mula sa baybayin ng Palawan.
Samantala, binaligtad ng Chinese Embassy ang ulat at iginiit na ang BRP Datu Magat Salamat umano ang bumangga sa China Coast Guard matapos magsagawa ng “dangerous maneuver.”
Ayon sa tagapagsalita ng Chinese Embassy, ang Philippine vessel umano ang “deliberately crossing in front of the Chinese vessel” at naging sanhi ng banggaan.
Agad namang rumesponde ang Philippine Coast Guard (PCG), sa utos ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil R. Gavan, upang tumulong sa BRP Datu Magat Salamat at tiyakin ang kaligtasan ng mga sakay nitong crew.
(JESSE RUIZ)
90 