Nakahandang makipagtulungan ang pamunuan ng North Luzon Expressway (NLEX) sa pamahalaan para sa mga hakbang at solusyon sa problema ng pagbaha sa tuwing may malalakas na pag-ulan.
Ang pahayag na ito ay kasunod ng pagdinig ng Senate Committee on Finance hinggil sa panukalang budget ng Department of Transportation (DOTr), kung saan inihayag ni DOTr Secretary Giovanni Lopez ang nakatakdang pagpupulong nila ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon kasama ang mga kontraktor.
Ayon kay Lopez, bagamat layunin ng mga kasalukuyang programa na pagandahin ang serbisyo sa naturang expressway, inamin niyang naapektuhan ang ilang lugar dahil may mga bahaging hindi sinasadyang tinamaan ng mga kontraktor sa gitna ng mga operasyon. Tiniyak naman niya na agad nilang tutugunan ang mga nasabing aberya upang maresolba ang problema sa baha.
Sa naturang pagdinig, tinukoy ni Senate President Sherwin Gatchalian na bagama’t may kakayahan silang solusyunan ang isyu sa Valenzuela, mas mabigat na hamon ang kinakaharap sa mga apektadong lugar sa Bulacan dahil labas na ito sa hurisdiksyon ng kanilang lungsod.
Sa kabila nito, tiniyak ni Lopez na ang lahat ng mga proyekto at pagpapaganda sa NLEX ay naayon sa mga itinakdang disenyo at plano. Nagpasya rin ang pamunuan ng NLEX na gawin ang lahat ng nararapat na solusyon upang maibsan ang pagbaha tuwing umuulan.
Binigyang-diin din ng pamunuan ng NLEX na ang kanilang pangunahing layunin ay hindi lamang masiguro ang kaligtasan kundi pati na rin ang mas mabilis na biyahe ng bawat motorista patungo at palabas ng Norte.
111 