UMAASA si dating Congressman Eugene De Vera na bibilisan na ng House of Representatives Electoral Tribunal (HRET), ang pagdedesisyon sa mga election protest kasama na ang kanyang isinampa laban kay Marikina 2nd District Rep. Estella Quimbo bilang respeto na rin sa proseso.
Pahayag ito ng dating mambabatas, bagaman nirerespeto umano niya ang mga bumubuo sa HRET.
Sa panayam ng Saksi Ngayon kay De Vera, tumanggi itong pag-usapan ang kanyang kaso subalit umapela ito sa HRET na bilisan ang pagpapalabas ng desisyon sa kanyang election protest laban kay Quimbo lalo na’t palapit na ang susunod na halalan.
“Sana maging eye opener sa mga dating kasamahan natin sa HRET. Kailangang bilisan (ang pagdedesisyon), hindi lang sa election protest kundi sa lahat ng kaso [sa local courts] dahil may kasabihan na justice delayed, justice denied,” ani Vera.
“Pero umaasa pa rin ako na may justice,” ayon pa sa dating mambabatas na isang abogado.
Ang HRET ay binubuo ng 6 congressmen na appointed ng Speaker of the House at 3 Mahistrato ng Korte Suprema na kinabibilangan ni Associate Justice Mario Victor “Marvic” Leonen bilang chairman.
Ayon sa dating mambabatas, mula noong isampa nito ang election protest laban kay Quimbo noong Hulyo 2019 ay dalawang beses na umano silang nagkaroon ng hearing partikular na noong November 12, 2019 at Novermber 19, 2019 kung saan naghain ang mga ito ng “motion for summary of judgement”.
Base ito sa tinukoy na paglabag umano ni Quimbo sa Philippine Competition Act o Republic Act No. 10667, nang tumakbo agad ito pagkatapos mag-resign bilang commissioner ng Philippine Competition Commission (PCC).
“Sa Section 8 kasi ng RA 10667, hindi siya (Quimbo) puwedeng tumakbo noong 2019 kundi sa 2022 pa pagkatapos na mag-resign as commissioner sa PCC,” ani De Vera.
Gayunpaman, mula noong November 2019 ay wala pang desisyon ang HRET sa kanyang inihaing mosyon.
“Bilang isang abogado, nag-submit ako sa proseso. Ako nirerespeto ko ang proseso,” ani De Vera.
“Ang punto de vista ko dyan, dapat may reasonable time na ma-resolve ang isang kaso. Dapat inoobserbahan ang reasonable time,” ayon pa kay De Vera.
TROPA NI VELASCO?
Tumanggi rin magkomento si De Vera hinggil sa isyu na tropa ni House Speaker Lord Allan Velasco ang asawa ni Quimbo na si dating Congressman Miro Quimbo.
Isang open secret sa Kamara na laging kasama ni Velasco ang mister ni Quimbo kahit nabibilang ang lady solon sa minority bloc sa mababang kapulungan ng Kongreso.
Hindi malinaw kung ano ang papel ng asawa ni Rep. Quimbo sa tanggapan ni Velasco subalit lagi itong nakikita sa Office of the Speaker at maging sa mga pulong ng Speaker sa Kamara.
Ang mag-asawang Quimbo ay mga kasapi ng Liberal Party (LP) habang sa partido naman ni Pangulong Rodrigo Duterte na PDP-Laban nakasakay si Velasco. (BERNARD TAGUINOD)
